Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) National Capital Region katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay namahagi ng tulong pinansiyal sa mahigit 1,900 micro rice retailers sa 17 LGUs sa rehiyon.
Ang bawat kwalipikadong rice retailers na natukoy ng Department of Trade and Industry (DTI) ay nakatanggap ng P15,000 cash assistance sa ilalim ng DSWD Sustainable Livelihood Program—Cash Assistance for Micro Rice Retailers.
Ang pamamahagi ay isinagawa mula ika-9 hanggang ika-26 ng Setyembre. Ito ay kaugnay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tulungan ang mga micro rice retailers na lubos na naapektuhan nang implementasyon ng price cap sa bentahan ng regular at well-milled rice sa mga pamilihan.
Samantala, mahigit 30-milyon na ang naitalang naipamahagi ng DSWD-NCR sa mga apektadong rice retailers sa rehiyon. Ito ay bahagi ng first batch at tinatayang madaragdagan pa sa mga susunod na araw.
Isa si Rheia Ramos mula Quezon City sa mga nakatanggap ng nasabing tulong. Ayon kay Rheia malaking bagay ang tulong na kanyang natanggap upang maibalik ang nalugi niya sa pagtitinda ng bigas makapagbigay lamang ng abot-kayang presyo sa mga mamimili.
“Napakahalaga nitong assistance. Kasi alam mo bang nagbebenta kami ng palugi para lang may maibigay sa sobrang nahiparan bumili ng bigas. Kaya maraming salamat sa DSWD dahil naibalik kahit papaano ang nalugi sa amin,” kwento ni Rheia.
Gayundin, laking pasalamat ni Alexander Silva mula sa Lungsod ng Navotas dahil sa tulong na kanyang natanggap. “Salamat po sa DSWD-SLP dahil ang nalugi sa akin ay naibalik at magagamit ko rin ito sa pandagdag puhunan sa aking munting bigasan,” masayang pagbabahagi ni Alexander.
Si Rheia at Alexander ay isa lamang sa libo-libong micro-rice retailers na lubos na naapektuhan nang implementasyon ng price cap na nabigyan ng SLP-cash aid mula sa DSWD.
Ang DSWD-NCR ay patuloy na makikipag-ugnayan sa DTI at iba pang ahensya ng pamahalaan para mas mapabilis ang paghahatid ng tulong sa ating mga mamamayan.
Para sa katanungan patungkol sa SLP—Cash Assistance for Micro Rice Retailers, magtungo lamang sa malapit na DTI Negosyo Center sa inyong lugar.
Sulong Kabuhayan, tungo sa Pagyabong!
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#SustainableLivelihoodProgram
###