“Kung may goal ka sa sarili mo, tuloy mo lang, hindi mo kailangan magpaliwanag sa mga tao sa paligid mo, mahalaga alam mo sarili mo na tama at alam mo yung ginagawa mo, ginamit ko yung mga hamon ko sa buhay bilang inspirasyon para magtagumpay”.

– Glenn Napase, HP-II EGV

Upang hanapin ang landas na nais niyang tahakin sa buhay, nagsimula si Glenn Napase mamasukan bilang salesman sa isang mall. Aniya, masaya siya sa kaniyang tungkulin bilang empleyado sa isang kumpanya. Subalit, aminado si Glenn na mayroon siyang hinahanap na tiyak na magpapasaya sa kanyang puso.

Sa kanyang paglalakad sa kahabaan ng Zapote Road, Muntinlupa City, napadaan siya sa isang institusyon na pumukaw ng kanyang atensyon, ito ay ang Elsie Gaches Village. Hindi niya mawari ang kanyang nararamdaman na tila ba may nag-aanyaya sa kanya na mag tanong kung mayroon bang bakanteng posisyon na maari niyang pasukan. Siya ay pinayuhan na sumangguni sa tanggapan ng DSWD-NCR upang alamin ang mga detalye ukol sa EGV o sa iba pang mga institusyon na nangangailangan ng bagong staff.

Muling nagtungo si Glenn sa EGV dala dala ang kanyang mga kailangang dokumento. Dito ay nakilala at nakausap niya si G. Bernard Llamanzares, Head Houseparent. Bungad ni G. Bernard ay sasailalim si Glenn sa kanilang 15-day training upang maging ganap na Houseparent. Ito ay lubos na ikinagalak ni Glenn at agaran itong nagdesisyon na tahakin ang pagiging pampublikong manggagawa.

Hindi naging madali ang pagsisimula ni Glenn sa kaniyang training. Ayon sa kaniya “Mahirap, may mga araw na sumusuko ako, masakit ang katawan sa pagbubuhat ng mga batang may cerebral palsy, at parang hindi ko na kaya pang tapusin ang 15-day training”. Ngunit naantig ang kanyang puso at nabuhayan ng loob dahil sa pagmamahal ng mga batang kanyang inaalagaan. Ilang linggo ang lumipas at unti-unting nasanay si Glenn, araw-araw mas minamahal niya ang kaniyang tungkulin bilang isang houseparent. Dahil sa kaniyang pagsusumikap at determinasyon siya ay nahirang at nabigyan ng pagkakataon na maging Houseparent II.

Nagpatuloy pa ang mga pangarap ni Glenn upang mapagbuti niya ang kanyang sarili, siya ay nagdesisyon kumuha ng National Certificate II on Caregiving sa Talon Dos Institute of Technology. Nagsumikap siyang pagsabayin ang pag-aaral habang ginagampanan ang tungkulin niya sa institusyon. Bagamat may mga pagsubok na dumating sa kaniyang buhay, siya ay nagpatuloy makatapos nang kaniyang pag-aaral. Duty sa gabi, pag-aaral naman sa umaga. Nang dahil sa pagsusumikap ay nakamit ni Glenn ang TESDA NC II Licensed Caregiver. Ginawang Inspirasyon ni Glenn ang lahat ng hamon sa buhay na kanyang kinaharap, kasabay nito ang mga taong naniwala sa kanyang kakayahan kabilang ang mga bata.

Mula sa karanasan niya sa EGV, nabago ang kanyang buhay. Mas naging responsible, at natutong magpahalaga si Glenn sa kanyang sarili. Nangibabaw ang kanyang pagmamahal sa mga bata, at paglilingkod sa mga mas nan­gangailangan.

Sa bawat pagsubok na ating haharapin, ang ating determinasyon ang magbibigay sigla upang magpatuloy tayo sa mga hamon ng buhay. Ito ay nagpapakita ng ating dedikasyon at pagtitiyaga sa pag-abot ng ating mga pangarap. Kaya’t patuloy nating pagbutihin ang ating mga ginagawa, at huwag tayo mawalan ng pag-asa sapagkat sa bawat unos na ating haharapin ay may sisibol na bagong umaga.

 

Please share