“May iisang bahagi ng kalawakan na siguradong kaya mong pagbutihin,- ito ang iyong SARILI. Kailangan muna nating paniwalaan ang angking kakayahan at galing ng ating sarili upang maniwala tayong kaya nating magtagumpay sa ating buhay.” Josephine S. San Diego
Ako si Josephine S. San Diego, 42 taong gulang at narehistro sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong ika-21 ng Enero 2013. Ako at ang aking asawa na si Jeric A. San Diego, 54 taong gulang ay parehong mula saLungsod ng Marikina. Ang lungsod na ito ay naging saksi sa tamis ng aming pagmamahalan. Nagbunga ang aming pagsasama ng tatlong (3) mga anak na sina Don Deo, 26 taong gulang, Jericho, 24 taong gulang, at John Ric, 17 taong gulang.
Katulad ng ibang pamilya, dumaan din kami sa mga unos at problema. Nasukat dito ang aming katatagan at determinasyon sa bawat hamon na aming kinakaharap sa buhay. Bagaman kapwa kaming may hanapbuhay mag-asawa, ay hirap pa rin kaming matustusan ang pangangailangan ng aming sambahayan. Pa extra-extra sa aming Barangay ang aking kabiyak at kumikita ng mahigit dalawang daang piso (Php 200) kada araw. Walang pinipiling oras ang kanyang hanapbuhay. Nililisan niya aming tahanan upang sa umaga pa lamang ay maghanap buhay na. Samantala, isa naman akong field interviewer sa Social Weather Station (SWS) at nadedestino sa malalayong lugar sa Kalakhang Maynila tulad ng Lungsod ng Las Piñas at Muntinlupa.
Napakahirap noon na mawalay sa aking mga anak kahit panandalian lamang at ipagkatiwala sila sa mga kamag-anak upang matustusan naming mag-asawa ang lahat ng kanilang pangangailangan. Batid namin na isang malaking responsibilidad ang pagbuo at pagpapalaki sa aking mga anak sa kabila nang napakaraming pagsubok na dumarating sa aming tahanan, patuloy pa rin na matibay an gaming pundasyong mag-asawa para sa aming mga anak.
Taong 2009 nang sinalanta ang Kalakhang Maynila ng Bagyong Ondoy at kabilang ang Lungsod ng Marikina na labis naapektuhan nito. Nalubog ang aming tahanan, nasira at nawasak ang kaunting ari-arian na aming naipundar. Sa pinakamadilim na panahon ng aming buhay hinahanap ko pa rin ang liwanag na magbibigay sa amin ng panibagong pag-asa para magpatuloy sa bawat hamon ng buhay.
Taong 2010, dumating sa aming pamilya ang malaking oportunidad nang magsagawa nang pagbahay-bahay ang Listahanan at kami ang isa sa mga pamilyang kanilang nakapanayam. Nakita nila ang aming sira-sirang tahanan, walang kuryente at sariling tubig at tunay na lugmok sa hirap. Sa aking puso, patuloy pa rin akong naniwala na pagkatapos ng isang unos, sisikat muli ang araw na may dalang panibagong pag-asa.
Lalong tumaas ang aming tingin para sa mas maayos at maginhawang bukas nang ang aming pamilya ay mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Isang programa na aalalay sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino upang tulungan kami sa edukasyon at kalusugan ng aming mga anak. Taong 2013 naging ganap ang pagiging miyembro naming sa 4Ps.
Simula nang mapabilang ang aming sambahayan sa 4Ps, naging kaisa namin ang buwanang Family Development Sessions (FDS) na siyang nagmulat sa amin upang mas maging responsable kaming magulang at maging maayos ang relasyon namin sa aming anak. Natutuhan din namin ang angkop at bukas na komunikasyon para maunawaan ang damdamin at saloobin ng bawat miyemrbo ng pamilya. Naging katuwang namin ang aming mga anak sa bawat solusyon at desisyon na aming gagawin na maaring makaapekto sa kanila. Nakatulong din ang FDS upang mapalawak ang aming kaalaman sa mga usaping pangkalusugan, pakikihalubilo sa pamilya at kapwa, pakikiisa o pakikisangkot sa mga usaping pang komunidad kasama na ang pagpapaunlad sa aming ispiritwal na kasanayan at paglilinang sa aming mga kakayahan (skills training). Napalakas din nito ang aking kakayahan sa pamumuno sa kapwa ko mga benepisyaryo ng 4Ps nang mabigyan ako ng pagkakataon maging Parent Leader sa loob ng tatlong (3) taon sa grupong Department of Agriculture (DA) sa Barangay Nangka, Lungsod ng Marikina.
Nakatulong rin ang 4Ps sa gastusin ng aming mga anak sa paaralan dahil sa cash grant na aming natatanggap. Mas natututukan namin ang iba pa nilang mga pangangailangan kagaya na lamang ng pagpapakabit namin ng sarili naming linya ng tubig at ilaw. Kaakibat nito ang mga natututunan namin sa FDS. Natututo ako ng tamang pagbabadyet at pag-iimpok. Sa pamamagitan nito nakaipon kami ng sapat at napagpasyahan naming mag-asawa na tumigil sa paghahanapbuhay at umpisahang pasukin ang pagnenegosyo para lalo pang matutukan ang aming mga lumalaking anak. Nakaramdam man kami ng takot at pag-aalinlangan, naniniwala kami na ang sikreto sa pag-asenso ay ang pagsisimula, pagsisikap at pagpupunyagi.
Nagsimula kaming magtinda sa harap ng aming tahanan taong 2016. Inumpisahan namin ang pagbebenta ng ulam sa tanghali at halo-halo sa meryenda nang makaipon pa ng dagdag puhunan, sinabayan na rin namin ito ng pagtitinda ng frozen products at iba pa. Katuwang ko sa lahat ng ito ang aking buong pamilya. Pinapahalagahan ng aming mga anak ang aming pagpupursige at pagsasakripisyo para mabigyan sila ng magandang buhay kaya lumaki silang responsable, maunawain sa aming mga pagkukulang at patuloy na nagsusumikap sa kanilang pag-aaral.
Dahil sa lumalaking pangangailangan ng aming pamilya at nag-uumpisa nang mag-aral sa kolehiyo ang aming panganay, lakas loob kaming bumili ng isang videoke machine para paupahan sa aming mga kakilala at kapitbahay tuwing may okasyon. Kasama ng pagluluto ng short order para sa tanghalian at meryenda nakaipon kami ng pambili pa ng dagdag na unit ng videoke machines hanggang mula sa isa (1) ay naging limang (5) piraso na ang mga ito. Mas dumami ang aming mga naging customer at nakaipon kaming pamilya. Nakabili na din kami ng e-bike na ginagamit namin sa paghahakot at transportasyon ng aming mga units at dahil na din sa laging banta ng pagbaha sa aming lugar ay naipaayos na din namin ang aming bahay upang hindi na kami abutin ng pagbaha. Ang lahat ng ito ay dahil sa aking mga natutuhan sa FDS at pagiging masinop sa bawat cash grants na aking natatanggap mula sa Programa.
Katulad ng ibang pamilya nasubok din ang aming katatagan nang nakaranas ng pandemya ang buong bansa. Dahil sa lockdown at community quarantine, nawalan kami ng mga customers na isang malaking dagok para sa aming negosyo. Mabuti na lamang at may naipon ako para maipantustos sa pangangailangan ng aming pamilya habang wala pa kaming pinagkakakitaan. Nakatulong ito sa pang-araw-araw naming gastusin. Dahil narin naging mahaba ang community quarantine, napilitan kaming ipagbili ang iba naming videoke machines para may maipantawid kami sa araw-araw naming kakainin. Mula sa limang (5) naging tatlo (3) na lamang ang mga ito. Bagaman maraming pagsubok ang dumating sa amin hindi kami nawalan ng pag-asa, bagkus mas lalo kaming naging determinado na magsumikap at muling bumangon sa pansamantalang aming kinasadlakan.
Isa sa ipinagmamalaki kong katangian ang pagkakaroon ng positibong panananaw sa buhay. Sa kabila ng hirap na aming pinagdaanan hindi ako nawalan ng pag-asa bagkus ginamit ko ang lahat ng aming kalakasan para mapagtagumpayan ang malalakas na alon na patuloy na humahampas sa aming buhay.
Sa kasalukuyan nakatapos na ang aming panganay na anak na si Don Deo sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education (BSEd) at kamakailang kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) noong ika-26 ng Marso, 2023. Habang naghihintay ng resulta nagtatrabaho siya bilang isang Merchandising Clerk sa Robinsons Supermarket.
Nakapagtapos din sa kolehiyo sa kursong Business Administration ang aking pangalawang anak na si Jericho at kasalukuyang nagtratrabaho bilang Customer Service Representative. Ang aking bunsong anak na si John Ric naman ay grade 11 sa Nuestra Senora de Guia Academy sa Lungsod ng Marikina.
Dahan-dahan na rin naming naibabalik ang mga bagay na nawala sa amin dulot ng pandemiya. Nakabili na din kami ng mga panibagong unit ng videoke machines. Nagpapaparenta na rin kami ng iba pang mga kagamitan tuwing may okasyon at dahil na din sa init ng panahon, nagdagdag na din kami ng mga inflatable pools na amin ding pinaparentahan. Tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap namin ng mga short orders katuwang ang aking asawa.
Malayo pa man ang aming tatahakin at marami pang pagsubok na haharapin, panatag ako at ang aking pamilya na sa tulong ng programa at sa aming mga natutunan dito, sabayan ng tiyaga at pagsusumikap ay maaabot namin ang maginhawang bukas na pinapangarap.