“Ang pagiging isang lider ay hindi lamang tungkol sa kakayahan, ito rin ay tungkol sa pagmamalasakit at pagtataya sa komunidad,”

 

Sa likod ng ingay at trapiko ng Llano Road, Barangay 167, Caloocan City, isang tahanan ang patuloy na nag-aalab ng pag-asa sa bawat araw. Narito si Ginang Violeta Autor, o mas kilala bilang “Ate Violy,” isang ina na puno ng determinasyon at pagmamahal sa kanyang pamilya. Sa gulang na 50 taon, si Ate Violy ay patuloy na nagtataguyod ng kanyang limang (5) mga anak, nagpapakita ng lakas at tapang sa gitna ng mga pagsubok. Ang kanyang kwento ay isang nakakabighaning paglalakbay tungo sa pagbabago, isang kwento ng tapang at pag-asa sa harap ng kahirapan.

 

Nang dumating ang taong 2017, isang liwanag ang sumilay sa sambahayan ni aling Violy, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, natagpuan ni Ate Violy ang pag-asa. Ang mabigat na pasanin sa pang-araw-araw na buhay ay unti-unti nang nabawasan dahil sa tulong mula sa pamahalaan. Ang 4Ps ay naging tulay tungo sa mas maginhawang bukas para sa kanilang pamilya. Sa tulong ng programa, natuklasan niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng suporta para sa isang sambahayang nangangarap sa buhay.

 

“Sa tulong ng 4P’s, nakita namin ang liwanag sa gitna ng madilim na kalsada ng kahirapan,” ani ni Ate Violy.

 

Sa taong 2020, dumating ang isang malaking hamon sa kanilang buhay – ang pandemya dulot ng COVID-19. Nawalan si Ate Violy ng trabaho, at kasama ng kanyang asawa, napilitang harapin ang kahirapan at kawalan ng kabuhayan. Ngunit sa kabila ng mga pagsubok, hindi sila nawalan ng pag-asa. Sa tulong ng Gulayan sa Barangay, isang proyektong inilunsad ng lokal na pamahalaan, natagpuan nila ang bagong pag-asa sa pamamagitan ng urban gardening.Sa pagtatanim ng mga gulay, natutuhan ni Ate Violy ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan. Ito ay nagbigay sa kanila ng sapat na kita pati na rin ng bagong inspirasyon para sa kanilang komunidad.

 

“Ang urban gardening ay hindi lamang tungkol sa paghahanap ng kabuhayan, ito rin ay tungkol sa pagtutulungan at pagkakaisa sa panahon ng krisis,” Mensahe niya.

 

Bukod pa rito, ang Gulayan sa Barangay ay isang malaking pagkakataon upang makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Pandemya. Upang makapagtaguyod ng oportunidad na mapagkakakitaan gayundin para sa seguridad ng pagkain sa pamamagitan ng pagtatayo ng halamanan at gulayan sa mga komunidad.

 

Sa pagdaan ng mga panahon, lumitaw ang tagumpay ni Ate Violy sa aspeto ng pagtatanim ngunit higit sa lahat ay ang pagtindig bilang isang tanggulan sa kanilang komunidad. Bilang isang Parent Leader sa Barangay 167 Llano, naging halimbawa siya ng pagmamalasakit at determinasyon sa kapwa mga ina na miyembro ng 4ps at kababaihan sa kanilang komunidad. Ang kanyang liderato ay nagdulot ng inspirasyon sa iba na makibahagi sa adbokasiya ng Gulayan sa Barangay.

 

Ang patuloy na pagtangkilik at suporta ng mga mamamayan ay nagbunga ng iba’t ibang parangal para sa “Friendship Gardening” mula taong 2021 hanggang kasalukuyang panahon. Tinanghal ito bilang isa sa mga pinakasustenableng gulayan sa National Capital Region. Sa bawat hakbang na tinahak ni Ate Violy sa pagtulong sa komunidad, patuloy niyang pinapakita ang kahalagahan ng pagmamalasakit at pagkakaisa sa pag-unlad ng kanilang barangay.

 

“Ang pagiging isang lider ay hindi lamang tungkol sa kakayahan, ito rin ay tungkol sa pagmamalasakit at pagtataya sa komunidad,” aniya, habang patuloy na nagbibigay inspirasyon sa iba na sumali sa adbokasiya ng urban gardening.

 

Sa kanyang mga salita at gawa, ipinapakita niya na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, anuman ang hamon ay maaaring malampasan para sa ikabubuti ng lahat.

 

Sa bawat yapak sa kanyang paglalakbay, patuloy na binubuhat niya ang bandila ng pag-asa at pagbabago. Ang kanyang kwento ay isang mahalagang paalala sa atin ng kahalagahan ng pagtitiwala sa sarili at pagkakaisa sa komunidad. Sa panahon ng krisis, ang pagtatanim ng binhi ng pag-asa ay hindi lamang nagbubunga ng tagumpay kundi pati na rin ng pagbabago na hindi matatawaran.

 

Bilang mga mamamayan, ang pagkakaisa at pagtutulungan ay ang susi sa pagtatamasa ng isang mas maunlad at makabuluhang kinabukasan. Sa huli, ang kwento ni Ate Violy ay nagpakita ng tagumpay, tagumpay ng kanyang pamilya at buong komunidad. Ang kanyang tapang at determinasyon ay nagdulot ng inspirasyon sa lahat na harapin ang anumang hamon na dumating sa kanilang buhay.

 

Sa bawat pagtatanim ng binhi ng pag-asa, patuloy na naglalaho ang anino ng kahirapan, at nagniningning ang liwanag ng tagumpay at pagbabago. Dagdag ni Aling Violy.

Please share