(Ang kwentong tagumpay ni Nana Ysabel Vargas)
Mahigit tatlong-taon gulang pa lamang nang mapunta sa pangangalaga ng Elsie Gaches Village (EGV) si Nana Ysabel Vargas mula sa DSWD Reception and Study Center for Children (RSCC). Si Ysabel ay natagpuang palaboy-laboy mag-isa sa mausok at maalikabok ka kahabaan ng Muntinlupa buwang ng Disyembre taong 2009. Nagsimula ito nung mawalay siya sa kanyang mga magulang. Nag sikap siyang hanapin ang mga ito at nagpalaboy-laboy sa kalsada, hanggang sa may nag lathala ng kaniyang larawan sa mga pahayagan upang makita ito ng kanyang mga magulang, subalit hindi ito nagging matagumpay. Siya ay idineklara nang “abandoned” o inabanduna na ng kaniyang mga magulang. Habang siya ay nasa pangangalaga ng EGV siya ay masusing inoobserbahan at siya ay napag-alaman na mayroong Intellectual Disability. At sa paglipas ng maraming taon, siya ay namalagi sa pangangalaga ng EGV kasama ng iba pang mga batang inabanduna, pinabayaan at isinuko na may mga espesyal na pangangailangan na tulad niya.
Hindi naging madali para kay Ysabel ang lumaki nang may kaakibat na intelektwal na kapansanan, marahil minsan ay mga mga bagay niyang hindi lubos na maunawaan, may mga kakulangan sa pagtugon niya sa kanyang mga tungkulin o gawain, o di kaya nagpapakita ng tantrum o nagkakaroon ng hindi magandang pakikitungo sa kanyang mga kasamahan.
Sa tulong ng iba’t ibang programa at serbisyo mula sa Elsie Gaches Village, hindi naging hadlang ang kapansanan ni Ysabel upang lumago ang kanyang abilidad at talento. Mayroon mang kakulangan upang umunawa gaya sa nakararami, mayroon naman siyang sapat na pasensya at dedikasyon upang matuto. Sa kabila ng kanyang mga kahinaan, sinigurado ni Ysabel na kanyang pagyayamanin ang kanyang talento at magiging mabuting halimbawa sa kaniyang mga kasamahan.
Kasalukuyan, si Ysabel, 17 taong gulang at isa sa mga maituturing na batang Gaches na patuloy na lumalago , nagpapamalas ng iba’t ibang kasanayan, at namumukod-tangi pag dating sa larangan ng sports.
Si Ysabel ay may hilig sa pagsayaw, may kumpiyansa sa sarili, at palaging sumasali sa iba’t-ibang aktibidad ng EGV. Unti-unti din napapalago ni Ysabel ang kanyang kasanayan sa baking, massage, foot spa, paglikha ng mga arts and crafts at iba pa. Ayon kay Ms. Joyce Aragon, Manpower Development Officer, si Ysabel ay masinop, sinisigurado na ang kanyang mga likha ay may kalidad na humihigit pa sa inaasahan, matulungin at madalas magbahagi ng kanyang mga kagamitan sa kaniyang kapwa.
Buwan ng Mayo 2024, si Ysabel at nagtapos ng Special Education Program (SpEd) – Vocational Level sa Jose Fabella Memorial School (JFMS) at nagkamit ng Good Sports Award at Athletic Award. Ayon sa kanyang guro na si Gng. Racquel Cardell, si Ysabel ay magilas, aktibo at napakasipag na mag-aaral, siya rin ay masunurin at matulungin sa kanyang mga kasamahan sa paaralan.
Hindi rin nagpahuli si Ysabel sa pagpapamalas ng kanyang galing sa larangan ng sports, siya ay isa sa mga napili upang magprisinta ng JFMS para sa NCR Palaro Paragames (Advance Games) 2024 na ginanap sa Rizal High School Pasig city noong Abril 2024. Nakamit ni Ysabel ang Silver Medal sa Shot Put with Intellectual Disability (ID) – All Girls 16 years old above category. Ayon sa kanyang coach/trainer ma si Mr. Alex Taleno, si Ysabel ay may malusog at may magandang koordinasyon ng katawan, sumusunod sa kaniyang coach, at kapansin-pansin ang kaniyang positibong pagbabago ng pag-uugali at sportsmanship. Kaya naman siya ang napili upang maging kalahok para sa official delegate at representative ng Elsie Gaches Village, katuwang si Gng. Farrah A. Cabrera, EGV Center Head, sa darating na 4th Asia Pacific Youth Camp for Disabled Youth na gaganapin sa Pattaya City, Thailand sa darating na Setyembre 2024.
Si Ysabel ang patunay na ang mga batang may intelektwal na kapansanan ay mayroon ding kakayahang humigit sa iba, magpakita ng abilidad at magpamalas ng talento. Tiwala, gabay at suporta lamang ang kanilang kailangan upang makayanan nila ang mga ito. Ang ahensya ng DSWD NCR Elsie Gaches Village ay patuloy na nagsisilbing gabay at tanglaw para sa mga kabataang may espesyal na pangangailangan para higit pa nilang mapagbuti ang kanilang kalagayan at maging ang kanilang kinabukasan.