Sa kabila ng hirap ng buhay sa Barangay 107, Tondo, Manila, lumaki si Clarize Ann Bongolo na punong-puno ng mga pangarap. Sa murang edad, pinangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral, magkaroon ng maginhawang buhay, at higit sa lahat, maiangat ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.

Si Clarize ay pangalawa sa limang anak nina Evelyn at Nolie Bongolo. Ang kanyang ina, si Evelyn, ay isang labandera, habang ang kanyang ama, si Nolie, ay isang truck helper. Sa kabila ng kanilang pagsusumikap, madalas na hindi sapat ang kinikita ng mag-asawa para sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya, lalo na sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Noong 2012, isa ang pamilya Bongolo sa mga napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Kahit tatlo lamang sa magkakapatid ang direktang natutulungan ng programa, ramdam ni Clarize ang malaking ginhawa na dala nito. Ang pinansyal na suporta mula sa 4Ps ay tumulong upang mabawasan ang pasanin sa kanilang pamilya, partikular sa mga gastusin sa edukasyon.

Noong hindi pa kami benepisyaryo ng 4Ps, labis kong naramdaman ang hirap ng
aking mga magulang sa pagbadyet ng limitadong kita. Kadalasan, kinakailangan pa
nilang manghiram para sa aming pag-aaral at iba pang pangangailangan,
Pagbabahagi ni Clarize.

Sa kabila ng lahat ng hamon, patuloy na nagpursige si Clarize. Nakatanim na sa kanyang puso ang hangaring makapagtapos ng pag-aaral upang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Sa bawat yugto ng kanyang edukasyon, mula elementarya hanggang kolehiyo, ipinakita niya ang kanyang pagsisikap at kakayahan, na nagbigay daan upang makamit niya ang iba ibang pagkilala at parangal.

At sa wakas, nito lamang ika-27 ng Agosto 2024, natupad ang pangarap ni Clarize. Nagtapos siya bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship mula sa Technological University of the Philippines-Manila.

Isang napakalaking tagumpay ang kanyang nakamit, at sa araw ng kanyang pagtatapos, naroon ang kanyang mga magulang, naluluha sa tuwa habang masayang ipinagmamalaki ang kanilang anak na hawak ang kanyang diploma at medalya—mga simbolo ng pagsasakripisyo at tagumpay ng kanilang pamilya.

Malaki ang naitulong ng 4Ps sa aming pamilya, lalo na sa pang-araw-araw na
gastusin at edukasyon. Dahil sa pinansyal na suporta ng 4Ps, nabigyan kami ng
mas matibay na pundasyon para maabot ang aming mga pangarap, pahayag ni
Clarize.

Ngayon, si Clarize Ann Bongolo ay hindi na lamang isang batang nangangarap—siya na ngayon ang ehemplo ng determinasyon at pagtitiyaga para sa kanilang pamilya, kundi pati na sa lahat ng mga kabataang may layuning
magtagumpay. Ang kanyang kwento ay isang patunay na sa kabila ng mga pagsubok ng buhay, walang imposible sa taong puno ng pangarap, suporta ng pamilya, at biyaya ng mga programang tulad ng 4Ps.

Ang tagumpay ni Clarize ay nagsilbing ilaw at inspirasyon, hindi lamang para sa kanya kundi para sa mga batang tulad niya—na sa tulong ng determinasyon, may pag-asa at katuparan ang bawat pangarap.

Please share