Mula sa simpleng pangarap, tumayog ang kuwento ni Arlene Fernandez ng Barangay Apolonio Samson, Quezon City. Isa siya sa mga mapapalad na nabigyan ng puhunan sa ilalim ng Bigtime Kasosyo sa Negosyo Project ng CDO Food Products Inc. at Odyssey Foundation Inc. (OFI). Sa kabila ng mga hamon sa buhay, nanatiling matatag si Arlene, patuloy na umaasa sa biyayang maaaring dumating sa kanilang sambahayan.

Bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), si Arlene ay kabilang sa 25 na mga grantees mula sa District 6 ng Quezon City. Ang bawat sambahayan ay sumailalim sa masusing evaluation ng Regional Program Management Office (RPMO), kasama ang OFI at ang mga city link ng 4Ps NCR. Bagama’t kinakabahan, hindi napigilan ni Arlene ang umasa na mapipili siya bilang benepisyaryo ng CDO. Ang proyektong ito ay maaaring maging kasagutan sa kanyang pangarap—isang pandagdag na negosyo para sa kanyang pamilya.

Si Arlene ay may maliit na tindahan sa bahay ng kanyang biyenan. Ito ang kanilang pangunahing pinagkukunan ng dagdag na kita, bukod sa sahod ng kanyang asawang si Roland Fernandez, isang factory worker. Mayroon silang dalawang anak, sina Leimark Nicko Alvarez, isang Grade 12 student, at si Diozen Erriol Fernandez, na isang special education student dahil sa
pagkakaroon ng Autism Spectrum Disorder. Ang kanilang bunso ay nangangailangan ng espesyal na atensyon, subalit hindi ito naging balakid para sa kanilang pamilya na lumaban sa mga pagsubok ng buhay.

Noong isang taon, nasunog ang kanilang bahay, kasama ang lahat ng kanilang naipundar. Ngunit hindi nawalan ng pag-asa si Arlene. Sa kabila ng pagkawala ng kanilang mga ari-arian, mas pinatibay siya ng kanyang mga karanasan sa buhay. Kaya nang magbukas ang oportunidad mula sa OFI, naging swak si Arlene sa mga kwalipikasyon para sa proyekto.

ISANG BAGONG SIMULA

Noong Nobyembre 29, 2023, natanggap ni Arlene ang negosyo package mula sa CDO. Kasama nito ang mga training sa food handling, micro-entrepreneurship, at financial literacy mula sa Family Development Sessions (FDS) ng 4Ps. Kasama rin sa mga natanggap nila ay mga frozen products mula sa CDO. Magiging katuwang naman ni Arlene sampu ng iba pang mga nakatanggap ng puhunan mula sa CDO ang kanilang City Link para sa monitoring ng kanilang negosyo sa loob ng anim (6) na buwan. May karangalang naghihintay para sa mga grantees na makakapagtala ng pinakamalaking kita sa pagtatapos ng proyekto.

Sa simula, inamin ni Arlene na hindi niya lubos na sineseryoso ang oportunidad na ito dahil sa dami ng kanyang responsibilidad bilang isang ina—ang pagbabantay sa kanyang anak na si Diozen at sa tindahan. Subalit unti-unting niyang nakita ang potensyal ng negosyo. Ginamit niya ang lamesa at payong na ibinigay sa kanila para magtinda ng frozen products. Dahil sa suporta ng kanyang pamilya, napag-usapan nila kung paano pa mas palalakihin ang kanilang negosyo. Dito ginawa nila ang ideya ng pagbebenta ng rice meals, na siyang iniaalok ni Roland sa kanyang mga katrabaho sa pabrika.

Hindi nagtagal, lumago ang negosyo ni Arlene. Dagdag sa frozen products ng CDO, nag-alok na rin sila ng burger, fries, snacks, at rice meals. Bentahe nila ang kalidad ng kanilang mga produkto, at ang kaalaman ni Arlene sa tamang food handling ay nagsilbing kasangkapan nila upang mapanatiling malinis at masarap ang kanilang mga paninda. Mabilis silang tinangkilik ng mga estudyante at mga manggagawa dahil sa abot-kayang presyo ng kanilang mga rice meals.

TAGUMPAY AT PAGKILALA

Sa loob ng anim na buwan, kumita si Arlene ng Php 48,000. Hindi kataka-takang siya ang hirangin bilang 1st place sa pagtatapos ng proyekto. Dahil dito, muli siyang ginawaran ng premyo mula sa CDO products. Malaki ang kanyang pasasalamat sa 4Ps, OFI, at sa kanilang city link sa tiwala at tulong na ibinigay sa kanya. Ang tagumpay na ito ay nagbigay ng
pangkabuhayan, kundi pati narin tulong at ginahawa para sa mga gastusing medikal ng kanilang anak na si Diozen.

Natatapos man dito ang pagbabantay ninyo samin pero hindi po dito matatapos ang tulong na
magagawa nito sa amin, wika ni Arlene sa graduation ceremony noong August 2024.

Ang kwento ni Arlene ay sumasalamin sa dedikasyon, tiyaga, at pagpapahalaga sa bawat biyayang natatanggap. Mula sa mga aral na nakuha niya sa FDS at mga trainings, nabigyan siya ng pundasyon upang palaguin ang kanyang negosyo. Sa tulong ng kanyang pamilya, napatunayan nilang ang sama-samang pagsisikap ay tiyak na magdadala ng tagumpay. Tunay ngang si Arlene ay naging bigtime, at kasosyo niya sa tagumpay ang 4Ps at CDO.

##

Please share