Ginawaran ng sertipiko ng pagtatapos ang 500 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Lungsod ng Caloocan nito lamang ika-23 ng Hunlyo sa Caloocan Sports Complex, Bagumbong, Caloocan City.

Ang aktibidad ay pagpupugay sa mga sambahayang benepisyaryo ng 4Ps na umangat na ang estado ng buhay mula sa mahirap na kalagayan patungong maunlad na pamumuhay. Ito ay base sa pinaka huling pagtatasa o assessment gamit ang Social Welfare Development Indicator tool o (SWDI), pamantayan na ginagamit ng mga social workers at case manager sa 4Ps.

Sa temang “Apat na Taong Pagkilala sa Tagumpay ng mga Nagsipagtapos na 4Ps sa Lungsod ng Kalookan”, ito ay nagbigay-diin sa mahalagang papel ng programa sa pagbabago ng buhay ng mga pamilyang Pilipino sa nasabing lungsod.

Pinangunahan ang aktibidad ni Roberto Quizon, Action Officer ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), nagbigay naman ng inspirational message mula sa hanay ng DSWD NCR si Director III Assistant Regional Director for Operations Bienvenido Jr. Barbosa upang pasalamatan ang lungsod sa patuloy nitong pagsuporta sa mga programa ng 4Ps sa Caloocan City.

Bahagi rin sa aktibidad ang simbolikong pagsasalin ng case folder ng mga nagtapos na benepisyaryo mula DSWD NCR patungo sa Lungsod ng Caloocan. Ito ay nagpapakita ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga benepisyaryong nagtapos na sa 4Ps.

Samantala, ang Caloocan Local Advisory Committee, sa pangunguna ni Leslie Ann Yakit, OIC Head of Local Youth Development Office ay nanumpa ng patuloy na susuportahan at susubaybayan sa mga nagtapos na benepisyaryo sa kanilang Lungsod.

Nasaksihan din sa aktibidad ang partisipasyon ng Iba’t ibang lokal na kagawaran sa pamamagitan ng paglagay ng mga booth, kabilang ang Housing and Resettlement Office (HARO), City Parks Administration, CSWDO, Public Employment Service Office (PESO) at City Health Office.

Mula sa hanay naman mga pribadong sektor ay ang OpenDoor Baptist Church na nagbahagi ng kaalaman sa mga gustong magpatuloy mag-aral sa pamamagitan ng ALS at Skills Training, at Tupperware Inc. nagbigay naman ng kanilang mga produkto bilang raffle at nagbahagi ng mga oportunidad sa kabuhayan.

Ang 4Ps NCR ay patuloy na nagpupugay sa mga benepisyaryo para sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap upang maiangat ang kanilang pamumuhay sa kabila ng mga pagsubok at hamon buhay. Sumasaludo rin ang kagawaran sa bawat ahensiya, pribado, at mga grupong katuwang ng 4Ps sa pagpapatupad ng mandato nitong maiangat ang pamumuhay ng pamilyang Pilipino sa Bansa.

 

Please share