Sa Lungsod Quezon, may isang paaralan na nagsisilbing tala ng pag-asa at oportunidad para sa maraming kabataan sa Metro Manila. Ito ang JBEST School of Technology and Practical Skills Inc., Ang paaralan ay pinamumunuan ni School Director Mary Ann S. Tarcena. Mula sa isang maliit na paaralan noong 2017, ngayon ay kasangga na ng 4Ps NCR ang paaralan sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga nangangailangan.
Si Ginang Tarcena bilang isang School Director sa nasabing paaralan, nagsimula siya sa JBEST taong 2017, bilang isang namumunong may puso, pangarap at determinasyon, siya ay pursigidong makapagbigay ng edukasyon sa bawat Kabataang Pilipino.
Sa simula, Kakaunti pa lamang estudyante at hindi pa gaanong kilala ang paaralan. Ngunit sa kanyang tiyaga at paniniwala sa kahalagahan ng edukasyon, unti-unting lumago ang nasabing paaralan.
Naunawaan ni Ginang Tarcena ang maraming kwento ng paghihirap at pag-asa mula sa mga estudyante at kanilang mga magulang. Sa bawat paglipas ng taon, ang JBEST School of Technology and Practical Skills Inc. ay patuloy na gumagabay sa mga kabataan bilang isang simbolo ng dedikasyon sa edukasyon. Sa ilalim ng pamumuno ni Mary Ann S. Tarcena, ang paaralan na ito ay patuloy na nagtataguyod sa pagbibigay ng malalim na kaalaman at pag-asa sa mga kabataang nangangarap ng mas magandang bukas.
Isang malaking hakbang ang ginawa ng JBEST nang makipag-partner ito sa Department of Education sa pamamagitan ng voucher system. Taon-taon, halos 500 mag-aaral ang nakikinabang sa libreng tuition fee na iniaalok ng paaralan. Ang mga benepisyaryo, karamihan ay mga miyembro ng 4Ps ay nakakakuha ng pagkakataong makapagtapos ng Senior High School nang walang dagdag na bayarin sa pag-aaral.
“Ang bawat estudyanteng nakakatapos ay isang tagumpay para sa amin, naniniwala kami na ang edukasyon ang susi upang makaahon sa kahirapan. Sa pamamagitan ng voucher system at partnership with 4Ps NCR mas marami kaming naaabot na mga kabataan.” – Ani ni Tarcena
Ang paaralan ay katuwang ng 4Ps NCR sa pagbibigay ng libreng tuition fee para sa mga senior highschool. Sinasanay at tinuturuan ng paaralan nila ang mga estudyante ng Holistic development approaches kung saan sinasanay nila ang mga kabataan sa mga aspetong mental, pisikal, at sosyolohikal na pamamaraan upang umunlad ang bawat Kabataang nag-aaral sa kanilang paaralan.
Ang 4Ps NCR katuwang ang JBEST School of Technology and Practical Skills Inc. ay naniniwala na napuputol ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng tamang edukasyon para sa bawat isa. Ang partnership ng pampubliko at pribadong sektor ay nagpapakita ng magandang maidudulot sa pagbabago sa pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino sa bansa.
“Bilang isang institusyong gumagabay at nagtuturo sa kabataan, patuloy kami na naniniwala na ang pagtulong sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay magkakaroon ng malaking ambag para sa bawat sambahayang Pilipino ng ating bansa. Ako po ay lumaki rin sa mahirap na pamilya kaya naniniwala po ako na edukasyon din ang pinakamalaking tulong na maibibigay natin sa bawat kabataan. Huwag po natin ikahiya na tayo ay mahirap, dahil wala pong masama sa pagiging mahirap, ang masama ay kung mamamatay tayong mahirap dahil wala tayong ginawa para umunlad” Ani ni Ginang Tarcena.