Ika-18 ng Pebrero, 2025—Buong pusong nakiisa ang Disaster Response and Management Division (DRMD) sa isinagawang LAB for ALL sa Navotas Sports Complex, isang makabuluhang inisyatiba na naglalayong maghatid ng serbisyo at tulong sa mga nangangailangang pamilya. Isa sa mga pangunahing layunin ng programa ay ang pagtitiyak na walang pamilyang naiwan sa laylayan pagdating sa usaping pangkalusugan.

Ang LAB for ALL (Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat) ay isang programa na inilunsad sa pangunguna ng Unang Ginang upang magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan. Layunin nitong tiyakin na mas maraming Pilipino ang may access sa de-kalidad na medikal na pangangalaga, kabilang ang libreng konsultasyon sa mga doktor, pamamahagi ng mga gamot, at pagsasagawa ng iba’t ibang laboratory tests. Sa pamamagitan ng programang ito, isinusulong ang mas malawak na saklaw ng serbisyong pangkalusugan upang matugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipino, lalo na ng mga nasa malalayong komunidad.

Bilang suporta ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR) at sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Navotas, matagumpay na naipamahagi ng DRMD ang Family Food Packs (FFPs) sa 1,500 residente na dumalo sa nasabing aktibidad. Kasabay nito, isinagawa rin ng DRMD sa pangunguna ni Mr. Royniel Mark G. Lopez, Information Officer II ang isang makabuluhang Information Caravan upang higit pang mapalawak at palakasin ang kaalaman ng bawat residente hinggil sa iba’t ibang programa at serbisyong hatid ng DSWD NCR. Sa pamamagitan ng information sharing na ito, binigyang-linaw at ipinabatid sa publiko ang mga oportunidad, benepisyo, at tulong na maaaring nilang matanggap, lalo na ng mga pamilyang nangangailangan at ng mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta.

5
4
6
1
previous arrow
next arrow

Higit pa sa pagbibigay ng impormasyon, layunin din ng DSWD-NCR na magbigay ng pag-asa at inspirasyon sa bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy itong magiging kaagapay sa pagbuo ng mas matatag, mas maunlad, at mas ligtas na komunidad—sapagkat sa Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.

Patuloy na magsisikap ang Disaster Response and Management Division na maghatid ng tulong at pag-asa sa mas maraming pamilyang nangangailangan. Sa sama-samang pagsisikap ng pamahalaan at mamamayan, naipapakita ang malasakit at bayanihan tungo sa mas matatag at maunlad na kinabukasan. ###

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Please share