Ang Reception and Study Center for Children ay muling nakiisa sa selebrasyon ng “Buwan ng Wika 2018”, sa pag-ganap nito ng taunang programa para sa buwan ng Agosto, na may temang “Filipino: Wikang Saliksik” na ginanap sa Social Hall.
Ang tema ay tungkol sa pagkilala sa Wikang Filipino bilang midyum sa pagbuo at pagpapalawak ng karunungan at kaunlaran ng buong bansa. Ang nais ng Komisyon ng Wikang Filipino ay palaganapin ang paggamit ng Wikang Filipino sa iba’t ibang mga larangan ng karunungan, kagaya ng larangan ng agham at matematika.
Ang punong-abala at guro ng palatuntunan ay si Bb. Sheila Mae Sendin, Activity Therapist at katuwang si G. Giolo Macugi, isa sa mga batang residente ng institusyon. Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga panauhing pandangal at tagapaghatol ng patimpalak mula sa Open Heart Foundation, guro ng ECCD at iba pang panauhin mula sa iba’t ibang institusyon ng Departamento.
Ang programa ay pormal na nagbukas sa pamamagitan ng Doksolohiya at pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pangunguna ng mga batang residente. Ang mga patimpalak sa nasabing selebrasyon ay pagalingan sa pag-gawa ng pamansag, tagisan ng galing sa pagbikas ng Maikling Talumpati at ang Timpalak-Kagandahan ng mga Munting Lakan at Lakambini 2018.
Malaki ang naitutulong ng ganitong mga pagdiriwang sa paghubog sa mga kabataan sa institusyon upang mapaalab ang kanilang kaalaman at pagmamahal sa sariling Wika. ###