Ang mundong ito ay puno ng kwento. Samu’t saring kwento ng buhay na nagbibigay sa atin minsan ng luha o kaya nama’y mga ngiti sa labi. Ang kwentong ito na hango sa totoong buhay ni Ginang Annaliza Hipolito, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, siya ngayon ay isang kawani na ng gobyerno. Ito ang salaysay ng kanyang kadakilaan bilang isang ina, asawa, at masigasig na community volunteer.
Si Annaliza ay 43 taong gulang ay ang mabuting maybahay ni Ginoong Esmer, 44 na taong gulang. Sila ay binayayaan ng apat na anak na sina Matthew Paul, dalawampu’t isang taong gulang, Nicole, labing-siyam na taong gulang, Julio labinlimang taong gulang at ang bunso ay si Ansherina, siyam na taong gulang.
Siya ay nakatuntong ng ika-apat na taon sa kolehiyo ngunit hindi naging madali ang kanilang pamumuhay sa kadahilanang walang permanenteng trabaho ang kaniyang asawa at suporta ng kanyang tatay ang kanila lamang inaasahan. Hindi siya nakakakuha ng trabaho dahil siya mismo ang nag-aasikaso sa kanilang apat na supling at ang kanyang asawa ay hindi sapat ang kinikita sa mga on-call nitong trabaho.
Araw-araw ay pasan niya sa likod ang mga mabibigat na bag ng kanyang mga anak at magkasama nilang nilalakad nila ang malayong eskwelahan para lamang makapag-aral. Ang kanyang bunsong anak ay sakitin pa kung kaya’t dagdag gastusin ito sa kanila.
Sa kabila ng mga hirap na dinaranas sa buhay nasa dugo ni Annaliza ang pagiging volunteer. Kung kaya nang nagkaroon siya ng pagkakataon ay naging volunteer siya sa isang parokya bilang isang coordinator sa Batayang Pamayanang Kristiyano. Naging volunteer at coordinator din siya sa mga batang iskolar ng Caritas at kahit na panggastos sa pamasahe lamang ang kanyang tinatanggap, buong puso niyang ginampanan ang kanyang tungkulin. Naging bahagi rin siya sa Clean Drive ng kanilang barangay at ito ang naging susi upang malaman niya ang tungkol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Enero ng taong 2012 nang maging parte ang kanyang pamilya sa programa. Dahil isa siya ay kilala sa kanilang komunidad na masigasig na volunteer ay napili siyang maging Parent Leader.
Sa loob lamang ng isang taon sa programa ay maraming pagbabago ang nangyari sa buhay ng kanyang pamilya. Ang kanyang mga anak na dating naglalakad lang papuntang paaralan ngayon ay nag ta-tricycle na.
Natuto din si Annaliza na regular na ipacheck-up ang bunsong anak sa Health Center dahil sa Programa. Kung kaya’t nasusubaybayan at nabibigyan na ng gamot ang anak nito. Sa ngayon ito ay malusog at maiging nag-aaral sa pang-apat na baitang.
Hindi sila naging kampante sa nakukuhang tulong pinansyal. Bagkus, ginamit nilang mag-asawa ito sa tamang paraan. Nag sumikap silang mag-asawa at nagkaroon din ang kanyang asawa ng trabaho.
Tunay nga na ang mundo ay may mahiwagang paraan upang bumalik sayo ang lahat ng kabutihang binabato mo rito. Nang siya ay pumunta sa opisina ng ahensya ay nakita niya ang papel na nakapaskil sa bulletin nito na nangangailangan ng Social Welfare Assistant at hindi na siya nagdalawang-isip na magpasa ng resumé.
Kinausap rin siya ng kanyang City Link at tinanong siya kung papayag ba siyang lumisan sa programa kapag natanggap siya bilang isang kawani ng gobyerno. Pumayag siya at sinabi na “Mayroon pang mas maraming pamilya ang matutulungan ang Programa na maaring pumalit sa akin”.
Sa buwan ng Pebrero taong 2013 ay natanggap siya bilang Social Welfare Assistant. Sa tulong ng programa ay nagganyak siya na mag-aral ulit at ang kinuha na niyang kurso ay ang Social Work at nakatagal rin siya ng isang taon. Ngunit dahil nag-aaral ang kanyang dalawang anak sa kolehiyo ay nagtigil siya sa pag-aaral. Hindi nya kayang pagsabayin ang kanilang gastusin sa bahay at huminto sa pag-aaral. Ngunit pursigido pa rin siyang matupad ang pangarap niya na makapagtapos sa tamang panahon at maging isang rehistradong social worker.
Sa kasalukuyan, nakapagtapos na ang kanyang panganay na anak. Nagtatrabaho na ito at nakakatulong na din sa kanila habang patuloy ding nagsusumikap sa pag-aaral ang iba pa niyang anak. Ang kanyang asawa naman ay regular na sa trabaho at si Annaliza naman ay isa ng Child Welfare Assistant. Limang taon na syang kawani ng programa at maayos at buong puso niyang ginagawa ang kanyang tungkulin dito. Ayon pa sa kanya, “Hindi ko ramdam na ako’y nagtatrabaho, bukas sa aking loob ang pagsisilbi sa mga benepisyaryo ng programa dahil doon din ako nanggaling at kung hindi dahil sa programa wala rin ako ngayon dito”.