Ang tapat na paglilingkod ng mga kawani ng gobyerno ay makatutulong sa pagkakabuklod ng mga Pilipino: ito ang prinsipyong isinasabuhay ni Ginoong Lolito M. Tuplano Jr. o mas kilala sa tawag na Tolits. Maliban sa kanyang ipinamalas niyang sipag at tiyaga bilang isang City Link ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan partikular sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay naging kilala din siya sa kanyang kabutihan sa lahat ng kanyang mga kasamahan sa trabaho at mga benepisyaryo ng programa.
Si Tolits ay nagsimulang magsilbi bilang isang City Link mula taong 2011 at mahigit na pitong taon na siyang tumutugon sa pangangailangan ng mga miyembro ng Pantawid Pamilya sa Pasay City.
Masigasig na ginagampanan ni Tolits kanyang mga tungkulin bilang isang City Link. Isa sa mga regular na ginagawa niya ay ang Family Development Session (FDS) isang beses sa isang buwan. Hindi lang siya nagtatalakay ngunit nagsasagawa din siya ng malikhaing FDS sa pamamagitan ng aktibidades/workshop sa bawat grupo tulad ng dula-dulaan at pagpapangkat batay sa konsepto ng kanyang paksa. Sinisigurado niya na pagkatapos ng sesyon ay natutugunan niya ng bawat isyu o alalahanin ng kanyang benepisyaryo.
Regular din niyang isinasagawa ang pagsubaybay sa mga batang benepisyaryo na nag-aaral sa paaralan at mga nagpapakonsulta sa Health Center para sa wastong nutrisyon at pagkakaroon ng mabuting kalusugan. Siya ay regular na nakikipag-usap sa mga Focal Persons sa eskwelahan at Health Center para pagtibayan ang koordinasyon sa kanila at tiyakin na ang mga bata ay nasusubaybayan nang maayos.
Personal siyang bumibisita sa mga pamilyang miyembro lalo na sa mga consistent non-compliant upang masuri niya ang dahilan ng kanilang pagliban sa mga aktibidad ng programa. Pinaliliwanag niya ang kabutihang maidudulot ng FDS sa kanilang pamilya. May mga pagkakataon din na nagsasagawa din siya ng espesyal na FDS sa mga hindi nakakadalo sa kanilang skedyul.
Kanyang isinasaalang-alang din ang pagbibigay ng oportunidad para sa trabaho o pangkabuhayan upang mapataas ang pang-ekonimikong kalagayan. Kamakailan ay inimbitahan niya din ang ahensya ng Pacific Star upang magsagawa ng orientasyon sa mga benepisyaryong may kakahayan o skills na maaring mapalago at magsilbing oportunidad para sa trabaho na makatutulong sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Ayon sa kanya, “Alam naman natin na limitado lamang ang serbisyo na binibigay ng ahensya kaya ang isa sa aking ginagawa ay ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya na maaaring magbigay ng iba pang serbisyo na magdadagdag benipisyo para sa pamilyang aking pinagsisilbihan.”
Nagsagawa din siya ng Bazaar noong taong 2015 at 2016 na dinaluhan ng mga benepisyaryo ng iba’t ibang barangay sa Pasay upang ilatag ang kani-kanilang produkto at paninda para kumita at makatulong sa kanilang hanapbuhay.
Nagkaroon siya ng inisyatibo upang paunlarin ang urban gardening sa kanilang lugar. Pinagtibay niya ang koordinasyon sa punong barangay, opisyales, at Homeowners Association sa Barangay 201. Unti-unting lumaganap sa hinahawakan niyang mga benepisyaryo ang konsepto ng urban gardening, ang proseso ng pagtatanim at pagpapalaki ng anumang uri ng halaman, prutas, o gulay sa loob ng isang komunidad.
Nagsagawa din siya ng inisyatibo upang magkaroon ng capability building para sa mga bagong halal na Parent Leaders sa kanyang lugar. Siya ay nagdaos ng oryentasyon at workshop patungkol sa iba’t ibang sistema na mayroon ang programa, tungkulin ng isang lider, at pagtuturo ng paraan upang maiwasan ang stress o tensiyon para sa mga Parent Leaders noong Hunyo 21-22, 2018 sa Barangay 201. Ang kanyang mga natutunan na stratehiya sa mga trainings at seminar na kanyang dinaluhan ay kanyang ibinahagi sa kanila.
Ngunit ang kanyang kaibahan sa ibang City Link ay ang mga inisyatibong kanyang ginawa upang maging mas maginhawa ang buhay ng kanyang mga benepisyaryo. Sinusugurado niya na ang bawat isyu at alalahanin ng kanyang miyembro ay kanyang tinutugunan. Hindi man lagi sa pinansyal na paraan ngunit sa pagpapatibay ng kanilang kalooban at pagbibigay ng karampatang solusyon batay sa kanilang pangangailangan.
Ito ay pinatuyan ni Ginang Rosalinda Pimentel, isang benepisyaryo. “Alam ninyo po, si Sir Tolits, lagi siyang handang magresponde lalo na noong nasunugan kami dito sa Barangay 201, nagpupunta siya dito may pasok man o wala. Minsan nga magugulat na lang kami at nandito siya kahit Sabado. Talagang binabantayan ni Sir Tolits kung maayos ang bawat pamilya na apektado ng sunog. Tapos kakamustahin ka niya kung ano ang kalagayan mo. Isang napakalaking bagay na iyon,” sabi ni Ginang Pimentel.
Si Ginang Liza Doring, isa ding miyembro ng programa, ay nagpatunay din sa pagmamalasakit ni Tolits. “Naalala ko noong nagpasama si Sir Tolits na bumisita sa mga bahay-bahay para siya ay magsagawa ng one-on-one na balidasyon, at biglang umulan. Nakita niya ang isang member, matanda na si nanay, senior citizen na at walang dalang payong. Sobra akong naantig sa ginawa niya dahil pinahinto niya muna ako sa may silong at inihatid ang miyembro sa kanyang bahay. Hindi ko akalain na sobrang malaki ang puso niya lalo na pagdating sa mga nakatatanda sa kanya.”
“Isa sa hindi ko makakalimutan ay noong dying ang ang ina, nagsabi ako kay Sir at sinabihan niya ako na magproseso ng mga kailangan at inirefer sa CIU sa DSWD-NCR. At ayoko man sabihin pero nagbigay din siya ng tulong pinansyal at pinalakas niya ang aking kalooban”, ayon kay Ginang Rose, isang Parent Leader. “Isang araw noong kami ay may meeting ay bigla akong tinanong ni Sir, “Ate, may gusto ka ba sabihin, may problema ka po ba na gustong pag-usapan?” Ayon pa sakanya, “Pilit kong sinasabi na wala akong problema pero si Sir handang makinig at dahil doon hindi na ako nahiyang magsabi sa kanya kahit wala itong kaugnayan sa programa at ito ay personal.”
Si Ginoong Tuplano Jr. ay may taglay ding malaikhaing pag-iisip at laging nakaalalay upang magbigay ng suportang moral. Nang magkaroon ng paligsahan ng Ginang at Ginoong Pantawid noong nakaraang taon na ginanap sa Teatro Marikina, tumulong si Ginoong Tuplano Jr. para sa magiging kasuotan ng benipsyaryo sa paligsahan. Pinagpuyatan niya ito ng ilang araw sa gitna ng maraming trabaho. Siya din ay nakasuporta at nakasubaybay tulad ng kanyang pag-alalay sa mga benepisyaryo niyang naging kandidato sa Huwarang Pamilya.
Ang pagiging committed niya sa kanyang trabaho ay ang dedikasyon niya sa mga tungkulin na kanyang ginagampanan. Tunay din na nakitaan siya ng pagpapahalaga sa kanyang mga benepisyaryo. Pinagbubuti niya ang mga gawaing nakaatang sa kanya, inuuna niya ang kabutihan ng nakararami, at hindi siya tumatanggap ng pabuya sa anumang paglilingkod na kanyang ibinibigay sa benepisyaryo.
“Nabigyan ako ng pagkakataon na makapaglingkod sa bayan sa pamamagitan ng aking trabaho kaya dapat itong pagbutihan. Napakasarap na makita mo na ang mga benepisyaryo na iyong pinaglilingkuran ay masaya sa nagawa mo na labis na nakakatulong sa kanila. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakita mo ang ngiti ng iyong miyembro, ito ay higit pa sa mga parangal at iba bang rekognisyon na maaring iagawad sa iyo, ” sabi ni Tolits.