Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa ilalim ng ahensya ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan ay marami nang naitalang kwento ng tagumpay. Si Ginang Shirley Carino ay isa sa mga benepisyaryo na natutong tumayo sa kanyang sariling paa sa tulong ng programa at kanyang sariling pagsisikap.
Si Ginang Carino ay isang simpleng maybahay ng isang pastor na biniyayayaan ng pitong anak. Ang kanyang panganay na anak na si Majesty ay dalawampu’t walong taong gulang; si Jazhel ay dalawampu’t anim na taong gulang; si Joshua dalawampu’t apat na taong gulang; si Genesis ay labingsiyam na taong gulang, si Jonni ay labimpitong taong gulang; si Joyce labinlimang taong gulang at ang bunso na si Laiza ay labing-anim na taong gulang.
Hindi nagkakasya ang allowance na nanggagaling sa simbahan para sa kanilang mga pangangailangan, kung kaya’t nagsusumikap siyang maglako ng kakanin sa kanyang mga kapitbahay para magkaroon ng pandagdag gastos sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang kanilang tinitirahan na bahay ay kanilang minana sa kanyang ama na nagkaroon ng benipisyo mula sa pagtatrabaho nito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Taong 2012 nang mapabilang ang kanilang pamilya sa programa. Malaki ang naging tulong ng programa sa kanilang pamumuhay. Dahil sa Pantawid Pamilya, nakapagpatuloy ng pag-aaral ang tatlo niyang anak na nag-aaral nang mga panahong iyon. Kahit na may mga buwan na hindi agad siya nakakatanggap ng pinansyal na tulong mula sa programa ay hindi ito naging dahilan upang tumigil siya sa pagdalo sa mga aktibidades ng programa, tulad ng pagdalo sa Family Development Sessions at pagpunta sa Health Center para sa buwanang check-up ng kanyang anak. Hindi rin siya nahirapan na humanap ng ipambabayad sa mga kakailanganin ng kanyang mga anak sa paaralan dahil sa mga cash grants na kanyang natanggap mula sa programa.
Ngunit may mga problema na dumating sa buhay ni Shirley na hindi maiiwasan. Sa taong 2016 ay nagkaroon ng malubhang karamdaman ang kanyang asawa. Ito ay isinugod sa ospital dahil bumigay ang puso nito. Kalaunan ay pumanaw din ang kanyang asawa mula sa sakit. Hindi naging madali ang pagtanggap niya sa pangyayaring ito na nagpabago ng takbo ng kanilang buhay.
Bago yumao ang kanyang asawa ay nag-aral ito para mas dumami ang kanyang kaalaman bilang isang pastor. Pinagpatuloy niya ang pag-aaral ng kanyang asawa. Hindi naging madali ang layuning ito dahil may mga bagay na kailangan niyang unahin at ipagpaliban o isantabi. Nagkaroon ng mga pagkakataon na hindi siya nakakadalo sa FDS at ang kanyang anak, bagama’t nakakadalo ito para sa kanya minsan ay hindi ito maaaring dumalo para sa kanya sa lahat ng pagkakataon. Dahil sa sitwasyong ito ay nagkusang-loob na siya na lisanin ang programa.
Hindi naging madali ang paglisan nya sa programa dahil may mga anak pa rin siyang nag-aaral at hindi rin ganoon kalakihan ang kinikita ng kanyang mga anak na nagtatrabaho. Sa kanyang pagsusumikap at lakas ng kanyang pananampalataya sa Diyos ay nagkaroon ng scholarship ang kanyang mga anak na nag-aaral pa. Ito ay naging daan para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
“Ginawang instrumento ng Diyos ang programa para makatulong sa nakakarami,” ayon kay Ginang Shirley. Ayon sa kanya, mas magpupursige siyang makatapos sa pag-aaral para makatulong sa kapwa at upang siya ay tawaging “Pastora Shirley”.