Sino nga ba ang mag-aakala na ang dating mahiyain at hikahos sa kanilang pangangailangan sa buhay ay magkakaroon ng lakas ng loob upang harapin ang hiya at makatulong sa kapwa sa kabila ng kahirapan sa buhay?
Si Rose Marie De Leon ay ang simpleng maybahay ni Ricardo De Leon. Sila ay may limang supling. Si Rose Marie ang namamahala pagdating sa mga gawaing bahay at nagbabantay sa kanilang munting tindahan na nagsisilbing panustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya samantalang si Ricardo ay naghahanapbuhay bilang tsuper ng pampublikong sasakyan.
Sila ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong February 2011. Ngunit isang taon din silang dumaan sa masusing proseso ng pagsisiyasat bago naging lehitimong miyembro ng programa ang kanyang pamilya. Laking galak at pasasalamat nila nang malaman nilang sila’y napabilang sa programa sapagkat alam nila ng makakatulong ito sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Noong taon ring iyon ay napili siya bilang isa sa mga boluntaryong magulang na gumagabay sa kapwa miyembro ng programa.
“Masarap sa pakiramdam na nakakatulong sa kapwa ng walang hinihinging kapalit, nakakataba ng puso,” sabi ni Rose Marie. Dahil sa Family Development Session at ibang pang mga aktibidad sa ilalim ng programa ay natututunan niya ang importansya ng pagtulong sa kapwa. Nalaman din niya ang kahalagahan ng pagmamalasakit sa mga nangangailangan.
Subalit naging isang pagsubok din sa kanya ang pagiging isang boluntaryo sapagkat kailangan nyang gampanan ang responsabilidad bilang ilaw ng tahanan sa kanyang pamilya at ang kanyang responsabilidad bilang boluntaryo sa programa.
Bilang isang boluntaryo ay marami siyang pagsubok na pinagdaanan, tulad ng pag-alam ng pangalan at lokasyon ng tahanan ng bawat miyembro na kanyang nasasakupan. Isa pang hamon sa kanyan ang pag-aasikaso ng mga papeles ng kanyang mga miyembro na isinusimite sa kanilang City Link. Naranasan rin niyang magkaroon ng mga miyembro na hindi marunong bumasa at sumulat.
Ngunit dahil sa kanyang malasakit ay nagagawan naman nila ito ng paraan at ang lahat ng kanyang miyembro ay nakakasunod at nakakapagsumite ng mga kinakailangang dokumento ng kumpleto sa tamang oras. Napanatili niya ito sa loob ng pitong taon bilang boluntaryo sa programa at talagang napamahal na rin siya sa pagtulong sa kapwa miyembro at nagkaroon ng maraming mga kaibigan.
Isa pa sa mga pagsubok na kanyang naranasan bilang boluntaryo sa programa ay ang madalas na di pagkakaunawaan sa pagitan nya at ng kanyang kabiyak na si Ricardo dahil sa madalas na pagiging abala sa mga gawain sa programa. Minsan pa nga ay nasambit nito sa kanya na “Ano ba ang napapala mo sa pagboboluntaryo diyan?”
Kalaunan ay nabigyan ng kasagutan ang tanong ng kanyang asawa. Nagkaroon si Ricardo ng malubhang karamdaman na lymphoma. Naging kaagapay nila ay ang Pantawid Pamilya Program sa mahirap na panahong ito. Nagbigay ng lakas loob sa isa’t isa ang bawat miyembro ng pamilya ni Rose Marie, isang bagay na natutunan nila sa FDS. Nagkaroon din sila ng sapat na kaalaman kung paano lalapit at makakatanggap ng tulong sa mga pribado at publikong ahensya. Dahil sa patuloy na pagpapakonsulta sa pagamutan at suporta ng pamilya ay nanumbalik ang malakas at malusog na pangangatawan ni Ricardo.
Ang malaking pagbabago ni Rose Marie ay nag-ugat sa kanyang pagdalo sa mga pagsasanay at gawain tulad ng Family Development Session, Red Cross First Aid Training, Rights and Awareness on Violence Against Women and their Children. Mula sa mga gawaing ito ay nagkaroon siya ng malasakit sa kapwa at mas maraming kaalaman sa pagpapamilya.
Bilang isa sa mga natulungan ng programa, nagpayo si Rose Marie sa mga kasalukuyang miyembro ng Pantawid Pamilya na maging matiyaga at matulungin sa kapwa. Ipinayo naman niyang magbigay ng daan para sa ibang nangangailangan ng tulong ng programa ang mga natulungan at nakakaluwag na sa buhay dahil sa tulong ng Pantawid Pamilya.