Ayon nga sa kasabihan: “Walang nag-uumpisa sa malaki.” Si Ginang Francisca Dela Cruz ay isang Solo Parent at nagsumikap upang maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay sa pamamagitan ng pag-iimpok. Sino nga ba ang mag-aakala na sa pamamagitan ng kanyang pagtatiyaga ay lalago ang kanyang munting negosyo ng higit pa sa kanyang inaasahan?
Si Francisca ay nakatira sa siyudad ng Pulang Lupa Dos sa Las Piñas. Kasama niya ang kanyang mga anak na sina Francis Mike at Lance David Sadsad na sa kasalukuyan ay parehong nag-aaral. Ang isa niyang anak ay nabibilang sa Special Education Class, isang uri ng edukasyon na para sa mga may kapansanan na mga bata na may kapasidad na matuto.
Mag-isang itinataguyod Francisca ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang kita sa sari-sari store na kanyang naipundar sa pamamagitan ng kanyang pag-iipon.
Bago naging matagumpay sa buhay ang pamilya nila Francisca at magkaroon ng sariling pagkakakitaan na sari-sari store ay nag-umpisa siya bilang isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong 2014. Siya ay naninirahan noon sa may tahanan ng kanyang nakatatandang kapatid kung saan ay siya ang nagsilbing katiwala sa itinayo nitong negosyong patubigan. Batid noon ng kanyang kapatid ang paghihirap na pinagdaraanan ng kanyang pamilya dahil nga sa pagtataguyod ni Francisca dito ng mag-isa. Dahil dito ay bukas-palad nitong inalok na pansamantalang manirahan sa kanilang tahanan ang pamilya at maging katiwala sa munti nitong negosyo.
Sinisikap ni Francisca na itaguyod ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng kakaunting kinikita nya sa patubigan. Ang kapatid ni Francisca at ang kanyang mga anak ay hinahayaang gumamit ng tubig at kuryente ng walang kapalit na halaga gayundin sa kanilang pagkain sa pang-araw-araw. Siya ay kumikita ng tatlong libong piso (P3,000) kada buwan at ang kakaunting kita nya dito ay kanyang pinagkakasya para sa pangangailangan ng kanyang pamilya at ang natitira ay napupunta sa pag-iimpok.
Malaki ang pasasalamat ni Francisca sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program sapagkat naging daan ito upang maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay. Para sa kanya, ito ay naging daan upang siya ay makapag-ipon at makapag-umpisa ng maliit na negosyo. Ang natatanggap niyang cash grants para sa mga bata ay inilalaan niya para sa pag-aaral at pagpapanatili ng malusog na pangangatawan ng kanyang mga anak. Natuto siya kung paano magsumikap sa buhay. Tinuruan siya ng tamang pamamaraan ng pag-aalaga sa mga anak at nalaman din niya ang mga karapatan ng isang Solo Parent.
Ang munting mensahe ni Ginang Francisca sa mga kasalukuyang miyembro ng programa na katulad niya na may kakayahan nang itaguyod ang kanilang pamilya at nakaluluwag na sa buhay dahil sa mga tulong na naiabot na ng Programa ay maging matapat at matutong mag-impok, malaki man o maliit. Higit sa lahat, pinaalalahanan niya na huwag silang makakalimot na dumulog sa Maykapal.