Mapagmahal sa pamilya, responsible, matalino, masipag, at handang kayanin ang lahat ng pagsubok sa buhay maabot lamang ang kanyang mga pangarap: ito ang mga katangiang isinasalarawan si Mark John L. Samson, labinlimang (15) taon gulang, Grade 7 at kasalukuyang nag-aaral sa Antonio A. Maceda Integrated School sa Lungsod ng Maynila. Siya ay miyembro ng Modified Conditional Cash Transfer for Homeless Street Families (MCCT-HSF) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.  


Mga medalya na nakamit ni Mark John sa kanyang pag-aaral

Sa murang kaisipan ay maagang namulat si Mark John “MJ” sa kahirapan ng buhay. Ayon sa kanya, nanirahan sila sa may riles ng tren bago sila naisama sa programa ng MCCT-HSF. Batid niya na nahihirapan ang kanyang ina sa sitwasyon nila dahil wala na siyang kinagisnang ama simula noong sanggol pa lamang siya.

Bilang panganay ng kanilang pamilya, naranasan ni Mark noong anim na taong gulang pa lamang siya na manilbihan sa isang manukan para may maitulong sa kanyang pamilya. Ang kanyang maliit na kinikita ay pinambibili nya ng pagkain para sa kanyang ina at mga kapatid. Naranasan din niya na mangalakal sa madaling-araw para may maitulong sa kanyang ina noong mga panahon na mag-isa itong nagtataguyod sa kanilang pamilya.

Magmula nang nag-aral si MJ ay tinatak niya sa kanyang puso at isip na kailangan niyang magpursige sa pag-aaral kahit sobrang hirap ng sitwasyon nila at nakakaranas sila ng pinansyal na kakulangan. Siya din ay naging masipag sa mga gawain nya sa eskwelahan upang maiparamdam niya sa kanyang ina na siya ay nag-aaral ng mabuti at matuwa ito.

Simula nang siya ay nasa unang antas pa lamang ay nagpamalas na si Mark ng angking galing at talino. Lagi siyang nakakatanggap ng medalya at sertipiko bilang nangungunang estudyante sa kanilang klase sa iba’t ibang antas. Isa din siyang manlalaro ng taekwondo sa kanilang eskwelahan sa kasalukuyan.

Nagsusumikap si MJ na makapagtapos sa pag-aaral para matulungan ang kanyang pamilya at maging isang magiting na pulis. Nagpapasalamat siya sa programa ng MCCT-HSF dahil para sa kanya, ito ang naging simula ng pagkakaroon ng direksyon nila sa buhay. Ito rin ang nagsilbing gabay upang magpatuloy siya sa pag-aaral at maging maayos ang kanilang pamilya.

Please share