Si Josephine Dala, 52 taong gulang, ay isa sa mga dating miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na natulungan ng programa na makamit ang ginhawa sa buhay.
Si Josephine ay nakatira sa #2 General Recarte St, Dona Rosario, Barangay Novaliches Proper, Quezon City. Ang kanyang asawa na si Marshal ay isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) noon sa Kuwait. Pinili ng kanyang asawa na manatili na sa Pilipinas upang makasama ang pamilya.
Sila ay biniyayaan ng tatlong anak. Ang kanyang panganay ay si Mary Joy, 26 taong gulang at may sarili na ngayong pamilya. Ang sumunod ay si Marjorie, 20 taong gulang at nakapagtapos din ng kolehiyo. Ang bunso naman ay si Jay Mark na 17 taong gulang.
Nang umuwi ang kanyang asawa sa Pilipinas ay wala silang naging kabuhayan dahil ito lang ang natatanging pinagkukunan nila ng pera noon. Dahil dito, siya ay nagdesisyong magtayo nang munting kainan o karinderya sa tapat ng kanilang bahay upang magkaroon ng pera na panustos sa kanilang mga pangangailangan. Ang kita mula sa maliit nyang negosyo ang ginamit nila para sa gastusin sa bahay pati narin sa pag-aaral na kanilang mga anak.
Nang siya ay mapabilang sa programa ay gumaan ang buhay ng pamilya ni Josephine. Ginamit niya ng maayos ang tulong na natatanggap mula sa gobyerno. Ang cash grants na kanyang natatanggap ay naging malaking tulong sa kanilang negosyo. Ipinangdagdag niya ito sa puhunan ng kanilang karinderya upang ito ay patuloy na lumago.
Si Josephine ay isa sa mga nag-waive sa Patawid Pamilyang Pilipino Program. Siya ay umalis na ng programa dahil alam niyang mayroon na siyang kakayahan na itaguyo ang kanyang pamilya. Nang bumisita sa bahay nila ang kanilang City Link para pag usapan ang pag-alis niya sa programa ay hindi ito nagdalawang-isip na pumayag dahil alam niyang mayroon na siya ng kapasidad upang iangat mula sa hirap ang kanyang pamilya. Gusto din niya na matulungan ng programa ang mga mas nangangailangan ng tulong ng gobyerno.
Ayon kay Josephine, maraming naidagdag sa kanyang kaalaman ang mga Family Development Session (FDS) na kanyang dinaluhan habang nasa ilalim ng programa. “Natutunan ko din ang tamang pagsusubaybay lalo na sa pag aalaga ng mga anak ko. Malaking tulong ito sa akin bilang single parent kung paano disiplinahin ang mga anak ko dahil nasa ibang bansa pa noon ang aking asawa,” sabi niya.
Naging mas maigting na rin si Josephine sa pagbabantay sa kalusugan ng kanyang mga anak. Dahil sa programa ay naging regular ang pagpapatingin niya ng kanyang mga anak sa Health Center. Dagdag niya, hindi lang ang kalusugan ng mga bata ang kanyang nababantayan, pati na rin ang kalusugan nilang mag-asawa.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang paglago ng negosyo ng pamilya. “Dati po mga ulam lng talaga ang binebenta ko, ngayon po ay may sari sari store, bigasan, at karinderya na po kami.”
Isa sa mga gusto niyang iparating sa mga kapwa niya myembero ng programa ay ang mag sumikap sa buhay para makaahon sa hirap. “Pinangarap ko po dati na balang araw ay makakaahon kami sa hirap, ngayon po ay unti unti na naming nakakamit.” Pinayuhan niya din ang ibang miyembro na patuloy na magsumikap sa buhay, dahil hindi kusang lalapit ang grasya kung hindi ito pinagpapaguran.