Bilang tugon sa ilang mga isyu na lumabas noong nakaraang panahon ng halalan, binigyang diin ng Department of Social Welfare and Development sa National Capital Region (DSWD NCR) na patuloy ang pagbibigay nito ng tulong-pinansyal sa mga pamilya at indibidwal na nangangailangan ng walang pagkiling sa sinumang pulitiko.
Inuulit din ng DSWD NCR na tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng payout para sa tulong medikal, pampaaral, pampalibing at transportasyon sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sa nakalipas na panahon ng halalan, piniling ilagi ng DSWD NCR ang pagsasagawa ng payout sa loob mismo ng Field Office. Ito ay upang masiguro na ang programa ay hindi mabahiran ng pulitika o magamit ang aktibidad sa posibleng pangangampanya ng mga kandidato.
Mula sa ikalawang araw ng Mayo hanggang ika-10, mahigit 2,000 indibidwal na nangangailangan ng kagyat na tulong ang napaglingkuran ng DSWD NCR. Idagdag pa rito ang iba pang program nito tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Social Pension Program na patuloy ang serbisyo noong panahon ng halalan.
Ipinaliwanag din ng DSWD NCR sa publiko lalo na sa mga benepisyaryo ng mga programa nito na hindi maaapektuhan ang anumang benepisyo na kanilang natatanggap kahit sino pa man ang kanilang ibinoto noong nakaraang eleksiyon.
Ang mga programa ng DSWD ay apolitikal at may sariling proseso sa pagpili at pagtanggap ng mga benepisyaryo. Maging sinumang kandidato ang magwagi sa halalan, ang DSWD NCR ay patuloy na magbibigay ng serbisyong nararapat, mapagkalinga at may malasakit. ###