Mahigpit na sinasanay ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR) ang mga enumerators o ang mga magsasagawa ng surbey para sa proyektong Listahanan upang matukoy kung sino at nasaan ang mga pamilyang tunay na nangangailangan ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, matitiyak na mayroon silang sapat na kaalaman at kakayahan na isagawa ang surbey sa 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila.
“Sa training na ito, malalaman nila ang tungkol sa Listahanan at higit sa lahat, matututunan nila kung paano gampanan ang kanilang mga responsibilidad. Napakahalaga ng papel nila upang magkaroon tayo ng kumpleto, sigurado at totoong datos ng mga pamilyang nangangailangan,” sambit ni Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan.
Dagdag niya, ang mga enumerators ay pupunta sa mga lugar kung saan nakatira ang mahihirap nating kababayan. Subalit upang mapanatili ang mataas na integridad ng Listahanan, sila ay hindi papayagang mag-interbyu sa lugar kung saan sila naninirahan.
“Naniniwala kami na importanteng may taglay silang sapat na kaalaman at kakayahan upang maging matagumpay ang isasagawa nating surbey. Sa training, mas mapapaunlad nila ang kanilang mga sarili at makakaya na nilang lagpasan ang anumang hamon na maari nilang maranasan sa kanilang trabaho,” pagtatapos ni Bonoan.
Ang Listahanan ay programa ng DSWD na naglalayong matukoy kung sino at nasaan ang mga mahihirap na nangangailangan ng mga programa ng pamahalaan. Ito ay tugon ng DSWD upang makapaghatid ng pagbabago sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagtatala sa mga ito sa iba’t ibang programa ng departamento at ng mga iba pang ahensya ng pamahalaan.###