Malapit nang matapos ang isinasagawang surbey ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Metro Manila sa ilalim ng proyektong National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan na naglalayong matukoy kung sino at nasaan ang mga pamilyang mahihirap.
Ayon sa datos mula sa Operations Monitoring Report ng DSWD, nakapag-interbyu na ang ahensya ng 1,009,012 sambahayan mula sa 17 local government units (LGUs) as of September 14, 2015.
Ayon kay DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan, “Malaking bagay ang pagtutulong-tulungan ng iba’t ibang organisasyon at ahensya upang maging maayos ang pagsasagawa ng pangalawang bugso ng assessment ng mga pamilya. Mas naging mabilis din ang pagkuha ng datos mula sa mga sambahayan dahil sa mga inobasyon na ating ipinatupad tulad ng paggamit ng mobile tablet,”
Inihayag din ni Bonoan na maglalabas sila ng anunsyo kung kalian ipapaskil ang inisyal na talaan ng mga pamilyang mahihirap na natukoy ng Listahanan.
“Magsasagawa kami ng validation upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat na ma-verify ang magiging resulta ng surbey. Sa panahong ito, maari ring magpainterbyu ang lahat na hindi pa napupuntahanan ng aming enumerators upang matiyak na ang lahat ng pamilyang nangangailangan ay makasama sa Listahanan at walang maiiwan,” pagtatapos niya.
Taong 2009 isinagawa ang unang surbey na kung saan 316,823 sambahayan mula sa National Capital Region ang natukoy na mahihirap batay sa resulta ng Proxy Means Test noong 2011. Ginagamit ang Listahanan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan at organisasyon upang maging batayan sa pagkuha ng mga potensyal na benepisyaryo para sa mga programa at serbisyong panlipunan tulad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, Social Pension at iba pa. ###