“Ang lahat ay inaanyayahan naming magtungo sa kanilang barangay halls upang suriin ang nakapaskil na inisyal na listahan ng mga mahihirap. Ang aming mga nakatalagang Area Superviors ay tatanggap ng mga reklamo, hinaing o katanungan ukol sa naging resulta ng isinagawang surbey noong Mayo hanggang Septyembre 2015,” pahayag ni DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan.
Ayon kay Bonoan, ang Listahanan o ang talaan ng mga pamilyang mahihirap ay basehan ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, mga organisasyon at lokal na pamahalaan sa pagpili ng mga potensyal na benepisyaryo na mga programa at serbisyong panlipunan.
“Napakahalaga na masuri natin ang inisyal na listahan upang masiguro natin na ang mga programa at serbisyong panlipunan ay mapunta sa mga tunay na nangangailangan nito,” ani Bonoan.
Dagdag pa ni Bonoan, ito rin ang pagkakataon upang mapuntahan ang mga pamilyang hindi pa naiinterbyu ng mga enumerators ng National Household Targeting Unit (NHTU).
Samantala, ang mga lokal na pamahalaan ay bubuo naman ng Local Validation Committee (LVC) na kinabibilangan ng mga opisyal ng City Social Welfare and Development Office, City Planning Development and Office, at ilang lokal na Non-Government Organization o Civil Society Organizations, upang resolbahin at aksyunan ang mga reklamo at hinaing na matatanggap ng mga Area Supervisors.
Ang Listahanan o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay tumutukoy kung sino at nasaan ang mga pamilyang mahihirap. ###