“Noon, laging nagsusugal at umiinom ng alak ang asawa ko. Lagi kaming nag-aaway kasi madalas siyang umuuwi ng lasing. Minsan nasasaktan din niya kami kapag natatalo siya sa sugal na Pusoy Dos.” pagbabahagi ni Maricel Otara, 38 years old mula sa Area B, Gate 8, Parola, Tondo Manila.
Ayon kay Maricel, hindi sila magkasundo ng asawa niyang si Felix dahil sa bisyo nito. Kahit anong pagpapaliwanag niya ay hindi ito nakikinig sa kanya. Halos mawalan na siya ng pag-asa na magbabago ito. Sa kabutihang palad, unti-unting nawala ang bisyo ng kanyang asawa nang maging benepisyaryo sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
“Sa buwanang Family Development Sessions (FDS), tinuturuan kami ng iba’t ibang bagay tulad ng paano maging isang mabuting magulang, paano palakihin ng maayos ang aming mga anak at marami pang iba.Pagkatapos kong umattend ng meeting, sini-share ko sa asawa ko ang mga natutunan ko sa FDS.”
Kinalaunan, napili si Maricel maging Parent Leader ng kanyang grupo. Katuwang siya ng DSWD na i-monitor ang pagsunod ng kanyang mga miyembro sa mga kondisyon ng programa.
“Bilang isang Parent Leader (PL), dapat maging huwaran ako sa aking mga miyembro. Nais kong maging inspirasyon sa iba, at sinimulan ko iyon sa aking pamilya. Lagi kong kinakausap ang aking asawa ang masamang dulot ng pagsusugal at pag-iinom. Sinabi ko sa kanya na maaari kaming matanggal sa programa kapag nahuli siya ng aming City Link.”
“Awa ng Diyos, paunti-unti ay napigilan ng asawa ko ang kanyang bisyo. Alam ng asawa ko ang malaking tulong ng Pantawid sa aming pamilya lalo na sa pag-aaral ng aming mga anak kaya nagdesisyon siyang huminto sa kanyang bisyo. Sobrang saya ko talaga ng mapaglabanan niya ang pagsusugal at pag-iinom. Dahil din dito, hindi na rin kami madalas mag-away at tinututukan naming mabuti ang pagpapalaki sa aming mga anak.”
Namamasukan si Maricel bilang Parent Aide sa Pedro Guevarra Elementary School at ang kanyang asawa ay kumikita sa pamamagitan ng pagbabalat ng bawang. Magkatuwang silang nagsusumikap para makapagtapos ang kanilang mga anak sap ag-aaral.
Sa kasalukuyan, nag-aaral ang kanilang limang anak na sina Felix Voltaire, 15, Grade 1; Felix Vicot. 13, Grade 8; Jualian Marie, 12, Grade 6; Felix Vortex, 9, Grade 3 at Felix Vigor, 6, Grade 1.
“Nagpapasalamat talaga ako sa Pantawid Pamilya, kasi naging daan iyon para magbago ang asawa ko at huminto na sa kanyang bisyo. Hindi lang nito tinutulungan ang aming mga anak na makapagtapos ng pag-aaral, tinuturuan din kami nito para maging isang mabuting ina at ama.Ipapagpapatuloy naming ang mga pagbabagong ito sa aming buhay.”### (FO-NCR, Social Marketing Office)