IMG_7695Bata pa lamang ay hindi ko na pinangarap na makatuntong ng kolehiyo. Tinanggap ko na hindi kayang suportahan ng aking ama ang aming pag-aaral mula sa maliit na kinikita nito sa pagbobote. Ang tanging hangad ko lang noon ay makatapos ng high school at makakuha ng kahit na anong trabaho basta kumikita ng pera.

Namasukan ako sa iba’t ibang establisyemento at kompanya. Naging construction worker, pump boy sa isang gasolinahan at naglinis ng mga malalaking sasakyan at trak. Marami akong sidelines para makatulong sa aking mga magulang at siyam pang mga kapatid.

Nakuntento na ako sa paglilinis ng trak hanggang sa naging miyembro kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at natanggap akong scholar ng Expanded Students Grant-in-aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Commission on Higher Education (CHED), katuwang ang Department of Labor and Employment and Philippine State Universities and Colleges (PASUC).

Akala ko dati ay habang-buhay akong hahawak ng maduming basahan. Akala ko na hanggang doon na lang ang misyon ko sa mundo pero mali ako, mayroon palang gobyerno na handang magmalasakit at tumulong sa mga mahihirap na katulad ko upang maiangat ang pamumuhay.

Kaya naman kinuha ko ang oportunidad na makapagpatuloy ng kolehiyo. Nag-aral ako ng Bachelor of Secondary Education Major in Values Formation sa Philippine Normal University. Bilang iskolar ng ESGP-PA, nagpursige akong makakuha ng matataas na marka para hindi matanggal sa programa. Nagsumikap ako hindi lang para sa aking sarili kung hindi para sa aking pamilya na nagtitiwala sa aking kakayahan.

Kung walang Pantawid at ESGP-PA, siguro kasama ako ng mga kabataang nangungulo sa kalye at lulong sa droga. Marahil naligaw na ako ng landas. Sobrang laki talaga ng pasasalamat ko sa programa dahil binago nito ang aking buhay. Higit sa lahat, binigyan ako nito ng pagkakataong mangarap.

Matapos ang apat na taon, may diploma na akong iuuwi sa aking mga magulang. Hindi na rin basahang panlinis ang hawak ko, kundi ang panibagong pag-asa ng mas magandang kinabukasan. Handa na akong harapin ang bukas na may ngiti at positibong pananaw. Ako ay patuloy pa ring mangangarap at maniniwala na maaabot ko ang mga ito.

Ang ESGP-PA ay programa ng pamahalaan na pinangungunahan ng DSWD at Commission on Higher Education (CHED) para matulungang makapagtapos ng kolehiyo ang ilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Sa ilalim nito, maaaring nakakatanggap ng education assistance ang mga benepisyaryo para matustusan ang pangangailangan sa kanilang pag-aaral tulad ng tuition fee, school supplies, pagkain, uniforms, renta sa dormitoryo at iba pang gastusin.###

 

Please share