Nakiisa ang Elsie Gaches Village, isang pampamahalaang institusyon sa ilalim ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (DSWD) na kumakalinga sa mga bata at indibidwal na may kapansanan sa pag-iisip,at Jose Fabella Memorial School, isang National Special School, kasama ang St. James-SPED, sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika tuwing Agosto na may temang “Filipino: Wika ng Karunungan.”
Ilang mga gawain ang naisaganap upang maisakatuparan at mahikayat ang pakikibahagi ng mga kawani at mga mag-aaral sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika na nagbigay ng pagkilala sa Filipino bilang pambansang wika.
Ang pagdiriwang ay ganap na binuksan at sinimulan noong unang araw ng Agosto 2016 kasabay ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas. Isang maiksing pagpapaliwanag tungkol sa isang buwang pagdiriwang ang ibinigay ni Gng. Loralie Buenaventura, guro ng SPED. Pinangunahan naman ni Gng. Zenaida Cay, guro ng SPEd ang mga gawain sa buong buwang pagdiriwang.
Isang patimpalak sa pag-awit ng kundiman na nilahukan ng mga kawani ng EGV ang ginanap noong ika-18 ng Agosto. Para naman sa mga mag-aaral, nagkaroon din ng patimpalak sa pag-awit at pagtula noong ika-25 ng Agosto. Nagkaroon din ng pagbabasa at pakikinig sa mga Kwentong Bayan at mga Alamat ang mga guro at mag-aaral sa paaralan bilang bahagi ng kanilang mga aralin.
Sa pagsasara ng pagdiriwang noong ika-31 ng Agosto, isang patimpalak sa pagsasayaw ng mga Katutubong Sayaw ang ibinahagi ng mga guro at mag-aaral ng JFMS-EGV. Ito rin ang naging tampok ng pampinid na palatuntunan sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2016 kasabay ng pagkilala at paggawad ng gantimpala sa mga nakibahagi at nagwagi sa mga gawaing naganap sa buong buwang pagdiriwang.
Ang mga gawaing ito din ay naglayong balikan at gunitain ang minsang nakakaligtaan nang bigyang pansin ng mga Pilipino- ang kahalagahan ng bawat salita sa ating wika at ang lalim ng nasyonalismo na nakapaloob sa mga kultural na tradisyon at panitikan (makabayang awit, tula, kwentong bayan, katutubong sayaw, at iba pa.). Naging daan din ito upang mas lalong palawigin at kilalanin ang wikang Filipino bilang tinig ng mga kawani, mag-aaral o residente, at ang pagiging wika ng karunungan na nagbubuklod sa kanila upang makamit ang maayos na pagbibigay serbisyo sa mga taong kinakalinga ng institusyon.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang Elsie Gaches Village, jose Fabella Memorial School at St. James-SPED, sa isang buwang pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Ipinagdiriwang ng buong bansa ang buwan ng Agosto bilang “Buwan ng Wikang Pambansa” bilang pagkilala at pagpapahalaga sa pagkakaroon ng isang wika na nagbibigkis sa atin bilang isang bansa. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na pinirmahan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.###