Sama Bajaus sa Metro Manila, ipinagdiwang ang Pesta Igal
Napuno ng kasiyahan ang pagdiriwang ng Pesta Igal ngayon taon kung saan nagsama-sama ang mga katutubong Sama Bajaus mula sa Taguig, Parañaque at Manila sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR) na ginanap sa De La Salle-College of Saint Benilde noong Disyembre 13, 2016.
Ang nasabing programa ay naglalayong itaguyod ang mga karapatan ng mga katutubong Sama Bajau at pahalagahan ang kanilang kultura sa pamamagitan ng katutubong sayaw at awit.
Sa kanyang mensahe, hinimok ni Asssistant Regional Director Jacel J. Paguio ang lahat na magtulungan upang mapaunlad ang pamumuhay ng bawat isa, “Ang DSWD-NCR, katuwang ng iba’t ibang organisasyon ay hindi titigil na magbigay ng maagap at mapagkalingang serbisyo sa inyo. Sana ay tulungan din ninyo ang inyong mga sarili na makamit ang tagumpay na inyong inaasam at pahalagahan ang mga programa mula sa pamahalaan.”
Nagpakita ng talento ang mga kabataan at matatanda sa saliw ng mga musikang Lenggang-Lenggang, Lolay, at Kulintangan. Mayroon ding patimpalak sa paggawa ng islogan ayon sa temang “Pagsasakapangyarihan ng mga Katutubo tungo sa Pagkakaisa, Kapayapaan at Kaunlaran,”
Sa huli, namahagi din ang DSWD-NCR ng pamaskong handog sa lahat ng dumalo para sa darating na kapaskuhan, kaya’t nagpapasalamat ang mga katutubong Sama Bajaus sa patuloy na suporta at pagpapahalaga na ibinibigay sa kanila. ### FO-NCR, Social Marketing Office.