Sa gitna ng mga hamon na kinakaharap sa larangan ng pagbibigay serbisyo publiko, hindi maitatangging mayroong mga kawani ng gobyerno na buong-loob na pinagtatagumpayan ang mga balakid na kaugnay ng tungkulin.

Isa sa mga kawani ng gobyerno na patunay ng determinadong pagbibigay-serbisyo ay si Bb. Trixia Mae Ombrog, isang caseworker ng Modified Conditional Cash Transfer for Homeless Street Families (MCCT-HSF) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Pamilya) na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naghahatid ng tulong sa mga mahihirap na pamilyang naninirahan sa lansangan. Bilang isang caseworker, apat na barangay mula sa District 1 ng Makati City ang kanyang pinapangunahan kung saan ay isa at kalahating taon na niyang ginagampanan. Dito ay isinasagawa niya ang mga kaukulang serbisyo na naaayon sa mga benepisyaryo ng programa sa pamamagitan ng paghahatid ng paglilingkod na higit pa sa naaayon.

Sa pagsasagawa ng regular na Family Development Session (FDS) na isa sa mga pangunahing gawain sa ilalim ng Pantawid Pamilya, tinitiyak ni Bb. Ombrog na ang bawat benepisyaryo ay aktibong nakikiisa sa mga gawain na nakalaan para sa pagpapa-unlad ng kanilang kamalayan. Ngunit mayroong mga pagkakataon na personal na bumibisita ang nasabing kawani sa mga pamilyang “non-compliant” upang alamin ang dahilan ng hindi pagdalo sa mga nasabing sesyon. Dito ay pinapangasiwaan niya ang  pagdaraos ng “one on one FDS” na kung tutuusin  ay hindi naman bahagi ng kanyang tungkulin, ngunit dahil sa pagmamalasakit niya sa mga benepisyaryo ay isinasagawa niya pa rin ang mga ito upang masiguro na ang pamilya ay makakatanggap pa rin ng mga naaayon na benepisyo ng programa.

Pinapangunahan ni Bb. Ombrog (dulong kanan) ang pakikipagpanayam sa mga mag-aaral na kabilang sa programa ng Pantawid Pamilya upang malaman ang kalagayan ng kasanayan ng mga ito sa pag-aaral.

Buong sigasig din na isinasagawa ni Bb. Ombrog angpaggabay sa mga batang mag-aaral sa pamamagitan ng masusing pakikipag-ugnayan sa mga mga Focal Facilities patungkol sa kalusugan at edukasyon. Dahil dito, natutulungan niya ang mga bata na maitaas ang estado ng kasanayan at matulungan din ang kanilang mga magulang na maging responsable sa pagtugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Maaasahan din ang  nasabing kawani sa pagbibigay ng maagap na tugon sa mga benepisyaro na nakararanas ng abuso mula sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Sa katunayan, si Bb. Ombrog ang mayroong pinakamataas na naitalang kaso ng mga benepisyaryo ng programa na naresolbahan sa lokal na Pamahalaan ng Makati sa pamamagitan ng maigting na pakikipag-ugnayan sa barangay at mga akmang ahensya ng lokal na pamahalaan.

Tinitiyak ni Bb. Ombrog na naipaparating sa mga benepisyaryo ng programa ang mga kasanayan at kaalaman na naaayon para sa kanila.

At dahil sa taglay na pagmamalasakit sa kanyang pinaglilingkuran, tinitiyak ni Bb. Ombrog na naihahatid sa kanila ang mga serbisyong maaari ring makuha mula sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kakayahang magbigay ng mga karampatang proyekto at kasanayan para sa mga benepisyaryo. Aniya, “Di natin kailangang tumigil at makutento sa mga serbisyo na mayroon lamang ang ating ahensya, bagkus ay kailangan nating mag-mobilize at mag-outsource upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan. Think out of the box, magiging special ka kung ang limitasyon mo ay ginagawa mong kalakasan na magdudulot ng mas malaking advantage para sa ating lahat.”

 

Maliban dito, ang maabilidad na kakayanan ng nasabing kawani ay nakatulong upang mapaayos ang pamumuhay ng ilan sa mga benepisyaryo ng MCCT upang mapabilang sa Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) ng programa. Gayon din naman, ang masigasig na panguguna ni Bb. Ombrog sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensyang pangkabuhayan ay nakatulong upang mabigyan ng trabaho ang mga benepisyaryo na siya namang patunay ng masidhing aksyon at pamamagitan na naisagawa ni Bb. Ombrog sa mga pamilyang ito.

“Minsan ang mga limitasyon ay kailangang tingnan bilang isang oportunidad na matuto at upang magbigay motibasyon upang makatulong sa iba. Walang puwang ang salitang sapat at kontento sa kung ano man ang mayroon tayo, sa halip kailangan nating gumawa ng paraan upang magbukas ang mga pinto ng mga serbisyong makatutulong sa ating mga benepisyaryo”, dagdag pa niya.

Ito nga ay patunay lamang na si Bb. Ombrog ay isang kapuri-puring kawani ng gobyerno na handang maglingkod sa kabila ng mga hamon at balakid na bahagi ng tungkulin. Isa siya sa mga na nagpapatotoo na higit na mas mangingibabaw ang serbisyong may malasakit upang makapagbigay ng produktibo at mahusay na serbisyo publiko.###

 

Please share