Ang pagseserbisyo sa publiko ay isang malaking hamon, ngunit hindi ito hadlang upang ipakita ng ating mga kawani ang hindi matatawarang dedikasyon sa trabaho. Pinatunayan ito ni Bb. Michelle A. Aboy, isang Municipal Roving Book Keeper (MRB) ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig, siya ay isa sa mga pinakamabilis umaksyon na MRB sa kanilang grupo. Katunayan taong 2016 naparangalan si Michelle bilang isa sa mga “Top Performing Roving Book Keeper” sa Operations Office 3. At Enero taong 2017 hanggang sa kasalukuyan ay itinanghal si Michelle bilang “Best/Outstanding Municipal Roving Book Keeper” para sa buong rehiyon ng National Capital Region.
Si Michelle ay naging Roving Book Keeper ng lungsod ng Taguig noong taong 2015 hanggang Hulyo taong 2016. Siya ay nalipat sa lungsod ng Quezon City simula Hulyo 2016 hanggang Disyembre ng kaparehas na taon. Si Michelle ay nakakamit ng ilang mga parangal nung panahon na siya ay nagtatrabaho bilang Roving Book Keeper ng lungsod ng Quezon City. Makaraan ng mahigit na anim (6) na buwan, siya ay muling nagbalik sa Lungsod ng Taguig bilang roving book keeper simula ng Enero taong 2017 hanggang kasalukuyan kung saang itinanghal siya bilang “Best/Outstanding Municipal Roving Book Keeper” para sa taong 2017 sa buong rehiyon ng National Capital Region (NCR).
Base sa obserbasyon ng kanyang mga kasamahan sa lungsod ng Taguig, si Michelle ay mayroong bukal na puso sa pagtulong sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya, makikita ito sa simpleng pag aalok ng makakain, pagbibigay ng pamasahe, pamamahagi ng kanyang mga lumang kagamitan at pag gabay sa mga miyembro na masigurado na makuha nila ng kumpleto ang kanilang mga cash grant. Mayroon pa ngang pagkakataon na hindi na nakakakain ng kanyang pananghalian para lamang maasikaso at maiproseso ang mga hinaing at problema na may patungkol sa pagproproseso ng kanilang Cash card at prepaid card. Siya rin ay handang magtrabaho ng lagpas sa takdang oras na kung saan sinasadya niya pa ang pagtungo sa Field Office galing sa lungsod ng Taguig para maisagawa ang ibat-ibang mga uri ng mga ulat na kinakailangang maisumite sa lalong madaling panahon. Si Michelle din ay kilala bilang isa sa mga pinaka mabilis umaksyon na roving book keeper sa kanilang grupo, isa nang halimbawa dito ay ang pagpapakita niya ng determinasyon at mga inisyatibo patungkol sa skedyul na maisagawa ang mga ulat patungkol sa balidasyon ng Non-Moving Accounts (NMA) na kung saan ay mula sa bilang na 1,800 na miyembro na ngayon ay bumaba at mayroon na lamang na mahigit 500 miyembro na naisagawa nya sa maikling panahon. Isa sa pagpapatunay ng kanyang serbisyong malasakit ay isang testimonya mula kay Berly Embalso na isang miyembro ng Pantawid Pamilya nagmula sa Barangay ng Western Bicutan Taguig, na kung saan ay nakakuha ng malaking halaga ng salapi. Ito daw hindi niya na inaasahan na maibibigay pa sa kanya dahil tapos na ang kanyang anak sa pag aaral, hindi niya lang naasikaso ang nawala niyang ATM dati dahil siya ay nagtatrabaho sa Cebu. Laking pasasalamat ni nanay na nakuha niya ang kanyang pera at dahil sa pakikiusap ni Michelle sa banko na mabigyan ng ibang schedule si Ginang Berlyn sapagkat magmumula pa ito ng kanyang probinsya. Siya ay lubos na nagpapasalamat na nabigyan siya ng tulong na salapi kung saan ay gagamitin nya para magsimula ng maliit na negosyo.
Isa sa kanyang mga pinanghahawakan na kataga ay “A brilliant Mind is useless without a humble heart. We make an impression with what we say, but we make an impact with what we do. “Well Done” is better than “well Said”. Ipinaliwanag nya dito na siya yung taong puro gawa at hindi salita. Hinahayaan niyang ang kanyang mga napagtagumpayan o mga naisagawa ang magpakilala sa kanya.
Si Michelle ay nakitaan ng pagmamalasakit sa kanyang kapwa sa pamamagitan ng simpleng pagtulong at pag aasikaso na kung saan nakakapagdulot ng malaking epekto sa buhay ng kanyang mga natulungan.###