“Consistent po si Bb. April sa trabaho, hindi niya po kami pinabayaan hanggang dulo. Naging inspirasyon din po namin siya, kahit marami ng sumuko [kapwa iskolar] hindi niya po kami sinukuan,”pagbabahagi ni Jomalyn, isang ESGPPA graduate.
Walang sariling tirahan, walang kuryente at hirap sa tubig, at kulang na kita para sa malaking pamilya. Gaya ng maraming pamilyang Pilipino, isa rin ang pamilya ni Jomalyn, (dating Expanded Scholarship Program for Poverty Alleviation Scholar o ESGPPA) na humaharap ng ganitong problema sa pang araw-araw. Kinailangan ni Jomalyn na maghanap-buhay sa murang edad upang makatulong sa kanyang pamilya. At gaya ng maraming kabataan, nangangarap din siya na makapagtapos ng pag-aaral. Kaya naman, laking pasasalamat niya nang mapabilang siya sa programa ng Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) sa ESSGPA; kung saan tinutulungan silang makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng tulong pinansyal, at iba pang suportang maaaring maibigay ng ahensya at iba pang mga kasangga nito, ngunit gayun din ang pasasalamat niya kay Bb. April Joyce Campos-Co.
Marami tayong iniintindi sa ating pangaraw-araw na buhay gaya ng trabaho, pamilya, at problema na minsan nakakaramdam na tayo ng pagod. Bilang empleyado ng Kagawaran na may Malasakit, hindi natin maiwan ang ating mga trabaho dahil alam natin na ang nakataya rito ay ang ikabubuti ng buhay ng iba. Tayo ay inaasahang magtrabaho ng lampas sa takdang-oras kung kinakailangan base na rin sa ating sinusumpaan pangako bilang kawani ng serbisyo sibil.
Isa na lamang halibawa rito ay si Bb. April Joyce Campos-Co, isang Institutional Partnership Development Officer (IPDO) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na naghahatid ng tulong sa mga miyembro nito sa pamamagitan ng paghahanap at paghingi ng suporta at mga programa mula sa mga pribadong sector at iba’t ibang sektor na maaaring makatulong sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya, upang mapagaan at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Hindi lamang niya basta ginagampanan ang kanyang trabaho, bagkus ay hinigitan niya pa ang inaasahan ng nakararami sa kanya bilang kawani ng gobyerno. Nagsilbi rin siyang inspirasyon sa maraming pamilya at kabataan. Sa pagtatapos ng mga estudyanteng natulungan ni Bb. April sa kanilang pag-aaral, hindi naman natatapos ang pagtulong at paggabay niya sa kanila. Humingi siya ng tulong sa iba’t ibang ahensya at departamento ng gobyerno at pribadong sektor, upang matulungan silang makapaghanap ng maayos at desenteng trabaho.
Sa ngayon, isa si Jomalyn sa napakaraming natulungan ng programa at ni Bb. April, na nakapag-tapos at ngayon ay isa sa mga empleyado ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad sa NCR. Dahil sa inspirasyon ni Bb. April, lalong nagpupursigi si Jomalyn na tularan ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa trabaho at sa tinutulungan. Kung hindi dahil sa pagkalinga at pagtrato na katulad ng isang kapamilya ni Bb. April sa kanila, hindi nila makakamtan ang kanilang mga pangarap na makatapos ng pag-aaral na naging instrumento nila upang patuloy na maiahon ang pamilya sa hirap.
Minsan, dumadaan tayo sa buhay ng isang tao at hindi natin namamalayan ang laki ng epektong hatid natin sa kanilang buhay. Ang mga simpleng paglalaan ng panahon at puso sa ating trabaho ay malaking bagay na para sa ilan. Gaya ni Bb. April, huwag sana nating kalimutang huminto at lumingon sa mga taong ating tinulungan, tinutulungan, at matutulungan pa, dahil ito ang tunay na tatak ng serbisyong May Malasakit. ###