Nasa ika-sampung taon na nang pagtulong at pagseserbisyo sa mga kababayan nating mahihirap at mga pinagkaitan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad. Higit na apat na milyong mga Pilipino sa buong bansa ang tumatanggap ng tulong mula sa programang ito. Iba’t ibang tulong ang kanilang natatanggap, gaya ng edukasyon, kalusugan at maging subsidiya sa bigas. Ngunit lahat ng ito ay hindi ibinibigay bilang “dole out” bagkus ay may mga kundisyon silang kailangang sundin.
Ngayong taon ay may mga pamilya na kusa nang aalis sa programa sapagkat sa kanilang palagay ay napabuti na ng programa ang kanilang kalagayan. Mayroon ring mga benepisyaryo na inihahanda na para sa transisyon mula sa pagiging “poor” tungo sa pagiging “non-poor.” Layunin ng lathalaing ito na magtampok ng mga natatanging istorya ng mga benepisyaryo na nalampasan ang mga hamon ng kahirapan. At magbigay inspirasyon sa iba pang mga benepisyaryo na mayroon din silang kakayahan na magkaroon ng magandang kinabukasan may tulong man o wala mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Naglalayon din itong pagtibayin ang katagang, “Ang Pantawid Pamliya ay tagapagpatibay ng kakayahan ng mga benepisyaryo sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.”
Mula sa pagiging isang mapagmahal na ina at isang Parent Leader, ngayon ay isa ng Social Worker Assistant sa District 1 ng Quezon City si Gng. Shirley Bonifacio. Ito ang kanyang ikinuwento sa amin matapos namin siyang makapanayam.
Ang Buhay Noon
Si Gng. Shirley Bonifacio, apatnapu’t limang taong gulang ay nakatira sa Barangay 857 Pandacan, Manila. Mayroon siyang anim na anak, sina Renz Hector, Ron Yves, Rizmel, Bien, Sigrid Joseph at Rachely Star. Mahiyain siya, hindi pala labas ng bahay at ang tanging gusto lamang ay maghanap buhay para sa pamilya. Sa dalawang dekada na pagsasama nila ng kanyang asawa naging madalas ang kanilang hindi pagkakaintindihan. Hanggang sa magdesisyon siyang tuluyan nang makipaghiwalay dito dahil hindi na nito mapigilan ang kanyang bisyo. Sinubukan niya itong ipagamot sa isang rehab ngunit hindi nagtagal ay bumalik siya sa kanyang bisyo. Mula noon ay mag isa na niyang tinaguyod ang kanyang mga anak. Bagamat mag isa at hirap siya sa buhay, dalawa sa mga anak nito ay nakatapos na sa pag aaral. Apat
sa kanyang anak ay may asawa at sarili ng mga pamilya ngunit hindi maiwasan na sa kanya pa rin ang takbo ng mga ito kapag bilang nangangailangan. Bilang ina, hindi niya matanggihan ang mga anak dahil labis ang kanyang pagmamahal para sa kanila.
Simple lamang ang pinagmulan ni Gng. Shirley, bago makapasok sa Programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino ay nagtitinda siya ng mga ihaw-ihaw at almusal sa tapat ng kanilang bahay. Kwento niya, kumukuha siya ng pampuhunan sa pamamagitan ng lending kung saan lingguhan siyang binabayaran. Araw-araw maaga siyang pumupunta sa mga palengke upang humango ng kanyang ititindang pang almusal at mga pang-ihaw. Sa pagtitinda niya kinukuha ang pang gastos at pangkain nila ng kaniyang mga anak.
Noon pa man ay may puso na sa paglilingkod si Gng. Shirley, sumubok siya sa pulitika at tumakbo bilang kagawad sa kanilang barangay ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya nanalo. Hindi siya pinanghinaan ng loob at muling sumubok na tumakbo. Sa muli niyang pagtakbo, taong 2013 ay mapalad siyang nanalo at nabigyan ng pagkakataong maging kagawad ng barangay. Upang hindi magkaroon ng isyu sa pagiging kagawad at benepisyaryo ng programa, sinubukan niyang magbigay ng resignation letter sa kanilang Chairman, ngunit hindi pa siya pinayagan dahil mabusisi daw ang proseso nito.
“Noong Benepisyaryo ako”
Hindi niya maalala kung kalian ngunit may nakapagsabi lamang sa kanila na magpunta sa covered court ng kanilang barangay at magdala ng mga requirements. Wala siyang ideya kung para saan ang pagpapapunta sa kanila doon ngunit nagpunta pa rin siya, wala ring nagbanggit sa kanila kung para saan ang pagtitipon na iyon. Dagdag pa niya, “
Napakaraming taon nun sa court, punong puno.” Matagal ang lumipas na panahon bago niya nalamang para pala ito sa Programang Pantawid Pamilyang Pilipino.
Taong 2013, nagsimulang makatanggap ng buwanang tulong mula sa programa si Gng. Shirley. Tatlo sa kanyang mga anak ang nakapasok sa programa, si Bien na nasa sekundarya noon, at sina Sigrid Joseph at Rachely Star na nasa elementarya. Bukod dito, nakatanggap rin siya ng iba’t ibang pagsasanay sapagkat siya’y isang Parent Leader. Ginagamit niya ang buwanang perang natatanggap para sa pag aaral ng kanyang mga anak. Kwento niya, binibili niya ito ng mga gamit sa eskwelahan tulad ng uniform, notebook, mga proyekto at iba pa. Nagagamit din daw niya ang pera sa tuwing nagkakaroon ng field trip ang kaniyang mga anak. Isa sa pinakamalaking tulong na natanggap niyang mula sa programa ay noong natulungan siya ng isang City Link na maipasok ang kanyang asawa sa rehab. Sa kasamaang palad, matapos ang siyam na buwan sa loob ng rehab, hindi pa rin tuluyang gumaling ang kanyang asawa dahil bumalik ito sa kanyang pagbibisyo.
Matapos
Malaki na ang pinagbago ng kanilang buhay matapos silang maging kabahagi ng programa. Noong isang taon lamang ay nagdesisyon siya na kusang umalis sa programa matapos siyang matanggap bilang isang Social Welfare Assistant sa Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad sa unang distrito ng Lungsod Quezon. “Masasabi ko na kaya ko nang itaguyod ang mga anak ko na ako nalang talagang mag-isa,” pagbabahagi ni Gng. Shirley. Dagdag pa niya, sapat na ang kaniyang kinikita para sa pangtustos sa pang araw-araw na gastusin nilang pamilya. Kung dati ay gusto niya na nasa loob lamang siya ng kanilang tahanan, ngayon may lakas ng loob na siyang humarap sa maraming tao. Nabanggit niya na kung noon ay pahirapan pa para kumita ng pera, ngayon kahit papaano ay may matatag na siyang pinagkakakitaan.
Hindi nagtagal ay nag iba na rin ang pananaw ng kaniyang mga anak tungkol sa programa, kung dati ay nagagalit ang mga ito dahil wala siya sa bahay o di naman kaya ay ginagabi dahil sa mga Family Development Sessions ngayon ay lubos na nilang naiintindihan ang mabuting naidudulot nito sa kanilang buong pamilya. Dagdag pa niya, kung di siya nagsumikap, baka hindi pa giginhawa ang kanilang buhay
Hinaharap
Tanging pangarap niya ang makatapos ang kanyang mga anak na nag aaral pa. Handa siyang makipagsapalaran sa ibang bansa upang kumita ng pera, mapagtapos ang kanyang dalawang batang anak at matulungan ang kaniyang pamilya. Payo niya sa mga miyembro ng programa, na madalas din niyang banggitin tuwing may Family Development Sessions, “Huwag matakot at mahiya. Hangga’t kayang mag-apply ng trabaho sige lang huwag mawawalan ng loob.” Bago siya magpaalam sa kanyang mga kasamahang miyembro, pinayuhan niya ang mga itona gawing ispirasyon ang kanyang pinagdaanan upang mabago rin ang kanilang sitwasyon.