Ito ay kwento ng isang pamilya na patuloy na nagsusumikap para makamit ang kanilang mga pangarap para sa kanilang mga anak, sarili at komunidad.
Si Nanay Fe Mahinay dating Parent Leader ng Programa, limangput limang (55) taong gulang, kasal kay Ginoong Tatalino Salvador Mahinay Jr., limangput-apat (54) na taong gulang naninirahan sa Blk 10 #14 Sitaw Street Tumana, Markina City. Sila ay may labing-isang (11) anak, apat (4) na lalake at pitong (7) babae.
Kanyang isinalarawan ang kanilang buhay noon bago sila naging miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program. “Mahirap na, Magulo pa” kanyang mga sinambit, bukod sa siya ay walang maayos na trabaho at lahat ng kanyang mga anak ay kanilang kinakayod mag asawa para lamang makapag-aral. Naghihikahos din sila noon sa pang araw-araw na pagkain, pambaon, at gastusin sa bahay. Ang kanyang asawa ay umeekstra bilang electrisista at construction worker habang si Nanay Fe ay dumidiskarte sa paggawa ng pulseras, kwintas at hikaw na kanyang nilalako sa kanilang lugar. Nagtitinda rin siya ng biskwit at mga damit, kanya ring inihayag na dati siyang naglalaro ng huweteng at bingo. Ayon kay Nanay Fe, buhat nang sila ay naging miyembro ng programa noong 2012, nagbago ang kanyang pananaw sa buhay. Kanyang binibigyang diin na ang Family Development Sessions ay isa sa mga dahilan kung bakit naging maganda ang relasyon nilang mag asawa na mas lalong pinagtibay ng bukas na komunikasyon sa kanilang pamilya. Gayundin ang kanilang mga anak ay nagbahagi ng kanilang mga natutunan sa pagdalo ng mga Youth Sessions at iba pang aktibidades ng programa. Aktibo rin si Nanay Fe sa kanilang komunidad, kabilang siya sa Anahaw Neighborhood Association sa kanilng lugar, kung saan siya ay isa sa mga opisyal. Ang kanilang samahan ay tumutulong sa mga pamilya tulad ng pag-aayos ng away mag asawa at mga aktibidad sa kanilang barangay. Naibabahagi niya rin sa kapwa miyembro ang mga aral at karanasang natutunan noong siya ay Parent Leader ng programa.
Sa ngayon, ang kanyang mga anak ay mayroong maayos na trabaho. Ang kanyang panganay ay nakapagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Business Administration (BSBA) at namamasukan sa opisina ng SM Mall. Ang isa sa kanyang anak na noo’y benepisyaryo ay nagtapos ng dalawang taong kurso sa TESDA na nakapag trabaho, dahil sa tulong ng mga CSO partners ng programa bilang elektrisista, habang ang kanyang dalawang anak na naging benepisyaryo rin ng programa ay nag-aaral sa kolehiyo. Ibinahagi rin ni Nanay Fe ang isa sa kanyang mga anak na nakatira sa laguna ay nakabili ng bahay at lupa para sa kanilang pamilya. Dagdag pa niya na ang iba pa nilang anak ay may maayos na trabaho at patuloy na sumusuporta.
Patuloy na nangangarap si Nanay Fe at si Tatay Lino na lahat ng kanilang mga anak ay makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng maayos na pamumuhay. Pangarap din nilang magasawa na magkaroon ng sariling tricycle para dagdag kita sa pamilya. “Lahat ito ay aming makakamit sa patuloy na pagtutulungan namin, hindi kami magsasawang gumabay sa aming mga anak at magsumikap” Mensahe para sa mga kapwa pantawid pamilya miyembro “Mag sumikap at pahalagahan ang biyaya na binigay ng programa” – Nanay Fe
Mensahe ni Nanay Fe sa Pantawid Pamilya Pilipino Program “Sa mga Pamunuan, Kami po ay buong pusong nagpapasalamat sa inyo sa paglunsad nyo po sa programang ito, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ito po ay isang napakaganda at napakamakabuluhang programa para sa aming mga maralitang mamamayang Pilipino. Asahan nyo po na itoy taus-puso po naming pahahalagahan at pangangalagaan sampu ng aming pamilya. Ipinapanalangin po naming na sana po lalo pa po ninyong paigtingin at palawakin ang ganitong programa dahil sa ito po ay napakalaking tulong din para sa ekonomiya at pangakabuhayan naming mga mahihirap. Maraming salamat din po sa mga katuwang ng DSWD sa programang ito, sa tulong po nila ay lalo pang lumakas ang programang ito upang masugpo ang malnutrisyon at maiangat ang antas ng edukasyon at pagilan ang paghihirap. Itinatanaw po naming itong isang napakagandang biyaya para sa aming mga mahihirap. Ito’y isang napakagandang pangitain tungo sa magandang bukas ng aming mga anak kasihan nawa kayo ng ating mahal na Poong Maykapal sa mga programang inilulunsad ninyo at ilulunsod niyo pa. Maraming maraming salamat po”. – Fe C. Mahinay Parent Leader.
Patuloy na nagsusumikap at nangangarap ang pamilyang Mahinay tungo sa pagtawid sa mga pagsubok sa buhay. Patunay sila ng isang pamilyang kayang magbago, matatag, masipag at kayang harapin at pagtagumpayan ang mga hamon ng buhay. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay isa lamang instrumento para sa mamayang Pilipino upang tugunan ang kahirapan sa edukasyon at pangkalusugan tungo sa maunlad na bayan.