Hindi na bago sa isang ahensya na merong mga manggagawa na lumalabas ang pagka competitive para makamit ng mas mataas na grado sa kanilang performance evaluation at hindi din nakakagulat na mayroong mga kawani ng gobyerno na hindi lamang ang kanilang pang personal na evaluation ang iniisip kundi ang buong performance ng programa.
Isa sa mga kawani ng gobyerno na patunay dito ay si G. Carlo Sotto, isang City Link ng Regular Conditional Cash Transfer (RCCT) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid Pamilya) sa lungsod ng Caloocan. Siya ay tatlong taon na bilang City Link at siya ay kasalukuyang Assistant CAT Team Leader ng South Caloocan.
Naipakita ni G. Sotto sa pamamagitan ng kanyang paglikha ng isang sistema na naging benepisyal sa kanya, sa kanyang mga kasamahan at sa mga benepisyaryong hinahawakan. Ang sistemang ito ay kanyang nalikha dahil sa kanyang imahinasyon at sa kagustuhan nya na matiyak ang mga benepisyaryong nanganagilangan ng updating ay ang kanilang nabibigyan ng pansin at mapabilis ang proseso nito.
Ang sistemang kanyang nilikha ay ginamitan ni G. Sotto ng mga datos na ibinibigay ng kanyang Beneficiary Data Management (BDM) at Compliance Verification (CV) Coordinators na kanyang ipinagbangga upang maipalabas kung sinu-sino ang mga batang benepisyaryong nangangailangan ng updates upang sa gayon ang kanilang sambahayan ay makatanggap ng tamang grants at dahil din dito nabawasan ang paulit-ulit na pagsasaayos ng mga datos ng mga benepisyaryo.
Ang nilikhang ito ni G. Sotto ay kanyang ibinahagi sa kanyang mga kasamahan sa Operations Office 6 at ito ay nakatulong sa kanilang updating; itinuro ni G. Sotto ito sa kanyang mga kasamahan, kung paano gawin at ipinaintindi din nya sa mga kasamahan ang epekto at kahalagahan nito sa kanila bilang mga City Link, sa kanilang Operations Office at higit sa lahat sa kanilang mga benepisyaryo. Noong nakaraang General Assembly ng Pantawid Pamilya, nakamit ng kanilang Operations Office ang Highest Number of Updates on No School (MCCT and RCCT) isang patunay na naging epektibo ang ginawa ni G. Sotto.
Ibinahagi ng kanyang Area Coordinator at pinatotohanan ng kanyang Social Welfare Officer III ang determinasyon at ang makalingang karakter ni G. Sotto. Kanilang ibinahagi na maliban sa pagkilala sa kanya bilang isa sa mga Best City Link at isa sa Top 10 sa retooling exam noong General Assembly ng Pantawid Pamilya ay kinilala din siya ng kanilang Operations Office bilang Most Innovative Staff. Naibahagi din ng kanyang BDM Coordinator ang sipag at angkin galing ni G. Sotto sa pagkilala ng kanyang mga datos at kung ano ang dapat gawin dito. Ibinahagi din nila na hindi madamot si G. Sotto sa kanyang kaalaman, sa makatuwid ay kapag merong nagugulumihanan sa kanyang mga kasamahan, siya ang matyagang nagpapaliwanag ng mga maaaring at pwedeng gawin na naaayon sa mga polisiya at guidelines ng programa.
Ito ay nagpapakita na si G. Sotto ay isang kapuri-puring kawani ng gobyerno na handang maglingkod at tumulong sa bayan at sa mga kasamahan. Isa syang ehemplo na ang pagiging magaling ay hindi lamang masusukat sa mga puntos o grado na makikita sa evaluation, o sa galing na iyong ipinamamalas para sa iyong mga pinaglilingkuran. Ito ay makikita din sa kung paano ka makitungo sa mga kasamahan mo, isa itong patunay sa katagang, “isa para sa lahat at lahat para sa isa.” Higit sa lahat ay kanyang naipakita na tunay na maganda ang kabayaran na matatanggap ng isang tao na nagpapamalas ng serbisyong may malasakit sa kanyang pinaglilingkuran at sa kanyang mga kasamahan.