Patuloy ang ng mga matamis na tagumpay ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Isang pamilya na naman ang nabago ang buhay sa tulong ng ating programa. Isang pamilya muli ang nagtaas ng bandila ng mga pamilyang naka-ahon sa kahirapan sa tulong ng Maagap at Mapagkalingang serbisyo ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad.
Isa ang pamilya Oconer sa matamis na ibinunga ng Programang Pantawid Pamilyang Pilipino. Naging sikreto ni Verdaflor Oconer o mas kilala sa tawag na “Ate Joey”, ang sipag at tiyaga upang umunlad ang kanilang buhay.
“… kami noon”
Isang simpleng maybahay noon si Ate Joey Oconer. Taong 2009, nakikitira sa bahay ng kanyang biyenan, sina Ate Joey, ang asawang si Ronaldo at dalawang anak na sina, Lorenz at Arjay. Gawa sa pinagtagpi- tagping kahoy ang kanilang kwarto na ayon kay Ate Joey, “kapag tumapak ka eh, lulusot ang paa kaya dapat maingat ka sa paglalakad”. Madalas na nasa bahay lamang siya at nagaalaga sa kanyang mga anak na noon ay maliit pa. Samantala, mekaniko naman ang kanyang kabiyak na si G. Rolando sa Kawasaki Motors. Masasabing payak lamang ang kanilang pamumuhay noon. Makaraan ang isang taon, mayroong mga dumalaw sa kanilang lugar at nakapanayam si Ate Joey ng mga kinatawan mula sa ahensya. Kwento niya, sinabihan niya ang mga nag-iinterbyu na ang hipag niya ang kausapin dahil tingin niya ay mas kailangan ito ng kanyang hipag. Nagsisimula pa lang noon ang kanyang asawa sa trabaho kung saan nagkukumpuni ito ng mga motor. Siya lamang rin ang bumubuhay, hindi lamang sa kanyang pamilya, kundi pati sa kanyang extended family. Walang ideya si Ate Joey na ang panayam palang iyon ay para sa posibleng inklusyon sa programang Pantawid Pamilya. Itinuturing ni Ate Joey na isang biyaya mula sa Diyos ang pagkakatanggap sa kanilang pamilya bilang miyembro ng Pantawid Pamilya.
“…hanggang sa naging Parent Leader na ako”
Kabilang si Ate Joey sa mga pinaka-unang naging miyembro ng Pantawid Pamilya na sa katunayan, siya ay bahagi ng Set 1. Nasabi sa kanila na kailangan nilang dumalo sa DSWD at pinapapunta sila sa basketball court. Hudyat na pala ito ng kanilang pagiging miyembro ng programa. Sabi ni Ate Joey, “ wala pang mga lider lider noon at wala rin akong alam doon”. Hanggang isa nga siya sa mga napiling maging Parent Leader. Sabi pa niya, “ O sige, e di okay lang. Hanggang sa naging Parent Leader ako.” Nasa elementarya noon ang kanyang dalawang anak na siyang minonitor. Nagkaroon na rin sila ng FDS at pumupunta na rin sila sa health center. Pinaliwanag din sa kanila noon sa FDS ang mga tungkol sa kondisyonales ng programa.
“Ang dami kong natutunan sa FDS na hindi ko alam na existing pala… VAWC Law, HIV- Aids… “, ilan lamang ito sa mga kaalamang napalawak pa sa pamamagitan ng Family Development Session na ibinibigay ng programa. Dagdag pa ni Ate Joey, “akala ko lawyer lang pwedeng makaalam ng mga batas batas, pati pala kami pwede.”
Bukod sa mga magagandang dulot ng FDS para sa pamilya ni Ate Joey, malaking tulong rin ang cash grant na kanyang natatanggap. Ginagamit niya ang mga natatanggap na grant upang ipambili ng mga gamit ng sa eskwelahan, pambaon at panggawa ng mga proyekto ng kanyang mga anak.
Natulungan din ng programa na maisakatuparan ang pangarap ni Ate Joey na makapag-aral. Nakapag-aral siya ng libre at nakatapos ng kursong Cookery sa TESDA noong taong 2013. Hindi pa siya huminto rito. Dahil sa kagustuhang mapalawak pa ang kaalaman at imbis na matambak ang uniform na ginamit sa cookery, nag aral siyang muli sa TESDA ng Baking and Pastry. Sabi ni Ate Joey, “… parang may kulang, palagay ko forte ko ang baking kasi mahilig ako [magdesign ng cake]… cute na cute ako sa mga cake”. Sa kanyang pagtitiyaga, taong 2015 ay natapos niya ang Baking and Pastry. “ Nagbabake na po ako, ayan po makikita niyo ang mga baking pans ko…” sabay turo ni Ate Joey sa mga gamit niya upang mag-bake. Sa tulong ng mga referral mula sa mga kaibigan at kakilala, unti- unting dumami ang kanyang mga customer. “Ang laking tulong sa akin kapag may order akong cake”, dagdag pa niya. Ipinakita niya rin ang iba’t ibang mga cakes na kanya ng nagawa.
Nakatanggap rin ang pamilya ni Ate Joey ng parangal mula sa programa, noong nakaraang taon ay isa sa mga “Huwarang Pamilya” sina Ate Joey. Kwento ni Ate Joey, mahigpit daw ang laban sa magiging Huwarang Pamilya at mapalad silang nanalo ng ikatlong pwesto.
Pagbabago sa Buhay
Matapos maging “ Huwarang Pamilya” sina Ate Joey, Oktubre ng nakaraang taon, nagdesisyon siyang magwaive na sa programa. Naibahagi niya sa amin na sa tingin niya ay kaya na nilang tustusan ang pang araw-araw na kagastusan kaya siya nagdesisyon na kusa ng mag waive. Sa mga salita ni Ate Joey, “ kaya na namin eh [kaya kami ako nagwaive]”. Napromote na din kasi ang kanyang asawa nung mga panahong yun at pati siya ay kumikita na mula sa paggawa ng mga pastries. Nakabili rin sila ng sariling sasakyan at nakapag patayo ng bahay. “…natulungan na kaming [ng programa] na tumayo sa sarili naming, maraming salamat sa pagtulong… I am very grateful and it is time..”, dagdag pa ni Ate Joey.
Lubos-lubos ang mga pagbabagong natamasa ni Ate Joey at ng kanyang Pamilya matapos maging bahagi ng programa. “Marami… maraming nabago sa akin, dati kasi sa bahay lang ako. Ngayon na-explore ko na pwede pala akong maging lider and I have the ability to speak to people… na-develop ako…”pagbabahagi ni Ate Joey.
“Maganda ang naidulot sakin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Progam kasi dito ako nag-grow.” buong pagmamalaking sabi ni Ate Joey.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang paggawa ni Ate Joey ng mga masasarap at magagandang mga cakes at pastries. Parami na rin ng parami ang kanyang mga costumers. Malapit na rin magretiro ang kanyang asawa. Dagdag pa ni Ate Joey, hindi lang ang pamilya niya ang natulungan niya noong naging bahagi siya ng programa, kahit papaano ay nakakatulong siya sa kanyang ibang pamilya.
Patuloy ang Pangarap
Dahil sa unti – unti na niyang natutupad ang mga pangarap niya para sa sarili at pamilya, gusto niya na mabigyan naman ang kanyang ibang pamilya ng pagkakataon na makaahon sa hirap. Gusto niyang matulungan ang mga kapatid ng kanyang asawa. Samantala, pangarap niya sa kanyang mga anak na balang araw, magkatapos ang mga ito sa pag- aaral at magkaroon ng sariling pamilya. Pangarap din ni Ate Joey na makapaglibot sa ibang bansa. Nabanggit na niya sa amin na mayroon na siyang ipon at malapit na niya itong matupad.
Nagbigay din si Ate Joey ng ilang mga payo na maari nating magamit lahat. Sabi niya, “ Ang pag- asenso ay nasa tao, wala kung kanino… it is up to you para i-build ang buhay mo…. kailangan masipag at masikap ka”. Tunay na nagbibigay inspirasyon ang kwento ng pagsisikap ni Ate Joey. Tunay nga na ang pagsisikap ay nasa kamay mo!