Nagtrabaho noon bilang katiwala sa lupain ng isang nagsarang pagawaan ang mag-asawang Serafina at Renato Raborar. Nakapag patayo sila doon ng maliit na bahay kung saan nila napalaki ang kanilang pitong anak. Subalit, taong 1998, sa ikatlong taon ng kanilang paninilbihan, ang lupain ay nabili ng panibagong kumpanya at sila ay pinaalis sa kanilang tinitirahan.
Dito nagsimula ang buhay kariton ng Pamilya Raborar. Saksi ang kahabaan ng Gregorio Araneta Avenue sa pagsusumikap ng pamilya upang mairaos ang kanilang pang araw-araw. Nagtrabaho si Mang Renato bilang isang construction worker habang pangangalakal sa umaga at pagbebenta ng lutong ulam sa hapon naman ang diskarte ng ilaw ng tahanan na si Nanay Serafina. Ikinakabit nila sa mga poste ng kuryente ang mga tali ng luna na nagsisilbing bubong nila sa gabi. Kinakaharap din ng pamilya ang mga banta ng pagpapaalis ng mga awtoridad sa mga itinuturing na hambalang sa kalsada at ang mataas na baha sa tuwing umuulan.
Sa kabila ng kanilang kondisyon ay batid ng pamilya ang kahalagahan ng edukasyon kung kaya’t pinagsumikapan ng mag asawa na mapag aral ang lahat ng kanilang anak.
Pantawid Pamilyang Pilipino Program
Bilang pagpapaigting sa mga adhikain ng Departamento, pinalawig ng programa ang pagbibigay tulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagkilala sa pangangailangan ng mga pamilyang walang tahanan. Isa sa mga naging miyembro ay ang Pamilya Raborar taong 2015. Nabigyan ng pagkakataon ang pamilya na makatanggap ng benepisyong naka sentro sa pangangailangang pangkalusugan at edukasyon ng kanilang mga anak. Nasuportahan din nito ang kanilang pangangailangan na makahanap ng bagong tirahan sa pamamagitan ng Modified Conditional Cash Transfer – Homeless Street Families gayun din ang panimulang puhunan para sa pagpapatuloy ng kanilang pinagkakakitaan sa tulong na rin ng iba pang programa ng DSWD
Sa kasalukuyan, napalago ni Nanay Serafina ang kanilang negosyo. Mayroon na silang munting tindahan na nakatayo sa tapat ng lupa ng dating kumpanyang kanilang tinirahan sa kahabaan pa rin ng G. Araneta. Kung dati ay sa gabi pagkatapos nang pangangalakal lamang siya nakakapagtinda ng ulam, ngayon ay bukas na siya simula umaga upang mag-alok ng makakain sa kaniyang mga parokyano. Patok din sa mga nagtatrabaho sa pagawaan at mga drayber ng mga nagdaraang trak ang pamatid uhaw niyang gawa sa sabaw ng buko. Kung dati ay hindi tiyak ang kanilang kita sa pangangalakal, ngayon ay sapat na sa pangangailangan ng pamilya ang kaniyang kinikita at nakakapag impok pa siya.
Hindi huminto sa pagtatrabaho bilang construction worker si Tatay Renato. Sa tulong ng programa ay napadali ang kaniyang pagtustos sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Napagtapos niya ang dalawa sa mga ito mula sa isang pribadong kolehiyo at ngayon ay nakikipagtunggalian na sa kanilang mga napiling karera. Ang dalawang pinakabata naman ay kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo sa magkaibang pribadong unibersidad.
“Malaki ang tulong sa akin ng programa. Mas naging positibo ang pananaw ko sa buhay. Natuto akong pahalagahan ang mga tao sa paligid ko, tamang paggastos ng pera, ingatan ang aking negosyo at higit sa lahat mag-ipok ng pera,” sagot ni Serafina sa tanong kung ano ang mga napansin niyang pagbabago sa kaniyang sarili dulot ng programa.
Isa sa mga higit na pinagpapasalamat ni Serafina ang pagkakaroon nila ng maayos na tirahan. “Hindi ko na gugustuhing bumalik sa kariton,” sambit niya. “Nakita ko ang pagbabago sa pamilya ko – sa asal nila.” Tinukoy ni Nanay Serfina ang pagtaas ng tiwala sa sarili ng kaniyang mga anak at ang pagkatuto ng mga ito na makipag kapwa tao. Ikinatutuwa rin niya na nailalayo niya ang kaniyang mga anak sa mga panganib sa kalsada. “Ito yung masasabi kong nagkaroon kami ng new home.”
Nais ni Serafina na kapulutan ng aral ang kanilang istorya lalo na sa mga tulad niyang namuhay sa kariton. Mula sa buhay na tinutulak tulak lamang siya ng pagkakataon, ipinagmamalaki nila Nanay Serafina at Tatay Renato na siya na ang may hawak at kontrol ngayon ng kaniyang buhay.
Ang kwento ng pamilya Raborar ay itinampok din sa DZMM Radyo Negosyo kasama si Carl Balita noon ika-2 ng Hunyo, 2018.