Sa bawat maaga niyang paggising sa umaga, sa bawat matutulin niyang hakbang papuntang eskwelahan,sa bawat malinis na papel na madiin niyang sinusulatan, sa bawat pindot niya ng calculator, sa mga madalian at mabilisang pagbibilang ng mga kumplikadong numero, nasa kanyang isipan ang kanyang pamilya.
Si Analyn Quilong-quilong, 37 taong gulang, kasama ang kanyang buong pamilya ay nakikipag-sabayan sa maiingay at matutulin na takbo ng mga sasakyan, sa nag tataasang mga gusali, at sa mabilis na takbo ng buhay nila sa masisikip na espasyo ng Tondo. Bago pa man nasama sa Pantawid Pamilya ng Pilipino Program ang kanilang pamilya, ang kanyang butihing asawa na si Gerry Quling-quilong ang kanyang naging kasangga sa anumang hamon ng buhay. Pareho silang mag-asawa na high school lamang ang natapos kung kaya’t hindi makapasok sa trabahong mataas ang sweldo. Si Gerry ay nagtatrabaho bilang driver sa isang kompanya ngunit hindi ito regular. At ang kanyang asawa naman ay isang butihing ina na nag-aalaga sa kanilang mga anak na nasa elementarya pa lamang noon. Sina Gelan, Gerah Mae at Geran ang naging inspirasyon nilang mag-asawa na mangarap sa buhay. Dahil ang kanyang asawa lamang ang naghahanap buhay sa pamilya, dumarating ang mga sitwasyon sa kanilang buhay na hindi nila maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak at ito’y nagdudulot ng kalungkutan sa kanila bilang mga magulang.
Bagama’t salat sa buhay, sagana naman sila sa pangarap. Pinangarap nilang mag-asawa na makapagtapos ng pag-aaral ang kahit isa man lamang sa kanila upang pag dating ng panahon ay matustusan nila ang mga pangagailangan ng kanilang pamilya. Kung kaya’t, sinubukan ni Analyn na makapag hanap ng scholarship, at sa awa ng Diyos, siya ay natanggap sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology. Laking pasasalamat ng mag-asawa nang siya ay makapasok dito ngunit ito pala ang magdudulot ng mas mabigat na pasanin sa mag-asawa. Dahil apat na sila sa Pamilya na nag-aaral, hindi maipagkaila ni Analyn na hirap na hirap sila sa buhay. Ni isang kamag-anak ay wala silang malapitan upang mahingan ng tulong. Kailangan ng kanyang asawa na magbanat ng buto upang matustusan lamang ang pangangailangan nila. Kinakailangan niyang magtrabaho araw at gabi upang maisakatuparan lamang ang kanilang pangarap.
Totoong napakabigat sa kanilang mag-asawa ang naging desisyon nilang mapag-aaral ang isa sa kanila. Halos isipin na ni Analyn kung dapat pa ba nila itong ipagpatuloy. Ngunit hindi nila alam na isang panibagong biyaya ng Panginoon ang darating sa kanilang pamilya sa panahon ding iyon. Taong 2011 ng mapabilang ang kanilang pamilya sa Pantawid Pamilya Pilipino Program. Kasagsagan ito ng kanyang pagsisimula bilang isang estudyante kung saan naisip na nilang ihinto.Subalit sa tulong ng programa, nabigyan ang kanilang pamilya ng pagkakataon na ipaglaban pa at ipagpatuloy ang kanilang mga pangarap.
“Naitaguyod ko ang pag-aaral ng aking mga anak dahil sa programa”, ito ang sabi ni Analyn. Laging compliant ang status ng kanilang pamilya sa programa. Naintindihan nilang mag-asawa ang kahalagahan ng programa sa kanilang buhay at pati na ang mga kondisyonales nito. Napagtanto nila na ang tanging hangad lamang ng programa ay kasaganaan sa kanilang buhay dahil sa bawat pagsunod nila sa mga kondisyonales nito ay sila pa rin ang nakikinabang. Naging parent leader si Analyn ng dalawang taon sa programa at masaya niyang ginawa ang kanyang mga responsibilidad dito. Ayon pa kay Analyn, malaking dagdag na kaalaman sa kanilang mag-asawa ang mga naging mga paksa sa Family Development Session lalo na ang mga usapin ukol sa pagiging mabuting mga magulang. Kaakibat ang iba’t-ibang paksa ay ang mga makahulugan nitong gawain na mas luminang pa ng kaalaman at katauhan ni Analyn na siya namang ipinapadama niya sa kanyang asawa at mga anak. Ang bawat pangaral at mainit na dampi ng kanyang pagmamahal ay tunay na nadarama ng kanyang pamilya.
“Ang pag-aaral ay ang tunay na sagot upang matapos ang siklo ng kahirapan”, ito ang sabi ni Analyn Quilong-quilong na ngayon ay nakapagtapos na ng kursong Bachelor of Science in Mathematics. Hindi maitago sa kanyang mata ang tuwa at ginhawa na naidulot nito. Para sa kanya, kung wala ang programa hindi nila matutupad ang kanilang mga pangarap sa buhay na mag-asawa. At ito ay patuloy nilang ipinag papasalamat sa Panginoon hangang ngayon. Gusto ni Analayn na ipamana sa kanilang mga anak ang pagbibigay ng kahalagahan sa pag-aaral. Ngayon, si Analyn ay dalawang taon nang Social Welfare Assistant ng kagawaran. Sa bawat araw na siya ay pumapasok sa trabaho ay binibigyang halaga niya ito at maayos niyang ginagampanan ang kanyang responsibilidad dahil alam niyang marami ang natutulungan sa kanyang ginagawa.
Marami pang pangarap si Analyn para sa kanilang pamilya. Isa na rito ay ang pagkakaroon ng sariling bahay at negosyo at ang mapagtapos ang kanilang mga anak. Hinahangad din ni Analyn na magpatuloy pa ang programa dahil tunay nga na marami ang natutulungan nito. Ang tanging payo lamang niya sa mga nasa programa pa rin hanggang ngayon ay ang gamitin ang natatanggap na grants kung saan man ito nararapat. Ang matalinong paggamit nito ay syang magiging daan sa mas matiwasay na buhay. Sa ngayon, masasabi niyang kaya na nilang tustusang mag-asawa ang pangangailangan ng kanilang pamilya. “Binigyan ako ng programa ng tiwala sa sarili, tiwala na kaya ko na mapagtapos naming mag-asawa ang aming mga anak”. Ito ang huling pahayag ni Analyn Quilong-quilong sa naging interview sa kanya. Bagama’t alam niyang marami pang pagsubok ang kanilang pagdadaanan, naniniwala naman siyang ang mahabaging Diyos ang patuloy na gagabay sa kanilang pamilya at ang bawat pangarap nila ay matutupad sa tamang panahon hangga’t pag-ibig at pagkaka-isa ang nangingibabaw sa kanilang pamilya.