Ang kwentong ito ay hango sa totoong hamon ng buhay at kung paano nagsumikap at nakipaglaban sa bawat suliranin na kinakaharap. At kung paano naging daan ang programa upang ang kaniyang pamilya ay magkaroon ng maayos na pamumuhay.
Si Ginang Veronica Palendas ay isang mabuting may bahay ni Ginoong Luis Palendas na binayayaan ng tatlong anak na sina Hannah Grace, labing walong taong gulang na nasa unang taon ng kolehiyo; Lloyd Van, labing anim na taong gulang na nasa unang taon ng Senior High School at si Luis Jr., sampung taong gulang na nasa ika-limang baiting sa elementarya. Si Ginang Veronica ay ang siayng taga-pangalaga sa kaniyang mga anak at ang asawa nito ang siyang taga pagtaguyod ng kanilang pamilya upang matustusan ang gastusin sa pang araw-araw. Bago pa man dumating sa buhay ng pamilya ang Programa ng Pantawid ay lubos na nakararanas ng hirap sa buhay ang pamilyang Palendas. Isa na rito ang pagkakaroon ng hindi wastong pamamahay dahil gawa lamang ito sa kawayan at kahoy na kung saan ay malapit sa ilog sa Damayang Lagi Quezon City. Ayon kay Ginang Palendas, ang sahod ng kaniyang asawa ay hindi sapat sa pangangailangan ng kaniyang mga anak lalong lalo na sa mga pag aaral ng mga ito.
Taong dalawang libo’t siyam nang dumating ang bagyong Ondoy sa lugar nila Ginang Palendas. Ayon sa kaniya, lubos ang kanyang pangangamba dahil bukod sa nasira ng bagyo ang kanilang tahanan ay muntik ng mapahamak ang kanilang mga buhay sapagkat inabot ang kanilang bahay ng baha at tanging ang mga bubong ng mga bahay ang kanilang naging tulay upang makalabas sa kanilang lugar. Lubos na nahirapan ang pamilya sapagkat walang itinira ang unos sa kanilang mga kagamitan.
Nalaman lang ni Ginang Veronica na sila ay kabilang sa listahan na magiging benepisyaryo sa tulong ng kaniyang mga kapitbahay. Taong dalawang libo’t labing isa ng maging miyembro sila Ginang Veronica sa Pantawid Pamilya ng Pilipino Program. Ayon sa kanya sa tulong ng Programa sa pamamagitan ng Family Development Session, natuto siya ng mga iba’t ibang kaalaman katulad na lang karapatan ng mga bata. Nabanggit niya na, “Natutunan ko na ang mga bata ay may Sampung karapatan at isa na roon ay magkaroon ng maayos na tahanan.” Bukod dito ay naging motibasyon din ng kanyang mga anak ang pagpasok sa eskwelehan dahil sinusugurado ni Ginang Veronica na napupunta sa pag-aaral ng kaniyang mga anak ang pera. Sakatunayan, tinatanaw niyang malaking biyaya Honor Students ang kanyang mga anak. Sa kabila ng mga pinagdaan sa buhay ng pamilya ay patuloy na pinagbubuti upang pangarap na makatapos at maitawid ang pamilya sa kahirapan ay makamit.
Ayon kay Ginang Veronica, nagkaroon sila ng pagkakataon makapag-ipon ng dahil sa programa sapagka’t hindi nila nagagalaw ang bonus ng asawa na si Ginoong Luis. Bukod dito, labis niyang ipinagmamalaki na silang dalawang mag-asawa ay walang anumang kahit anong bisyo na sa tingin niya ay lubos na nakatulong upang silang dalawa ay parisan ng kanilang mga anak.
Nang mawala sa programa, dahil rin sa kakayahan maitaguyod and pamilya, ang pamilya ni Ginang Veronica ay nanatiling mataas ang pangarap sa buhay ng Pamilya Palenda. Patuloy ang pagtutulungan ng mag-asawa at nakapag pagawa sila ng bahay na sementado. Bukod pa rito, nakabili ng rights at nakapag-patayo ng kanilang sariling paupahan. Ayon kay Ginang Veronica, malaki ang naitulong ng programa sa kanilang pamilya lalo sa pangangailangan ng kanilang mga anak sa edukasyon. Nakakabawas ito ng gastusin at natulungan sila na makapag-ipon. Mas lalo silang naging disiplinado sa paggamit ng pera dahil alam at naranasan nila ang hirap ng buhay. Dagdag pa ng Ginang, hindi niya masasabing may kaya na sila dahil kailangan parin ng tulong ng mga anak nila. Ngunit ngayon, taas-noo na niyang nasasabi na kaya na nilang pagtulungan na mag-asawa na makapagtapos ang kanilang mga anak.
Ito ay kwento ng buhay ng isang naging miyembro na sa kabila ng kahirapang nararanasan bagkus nakipag laban sa hamon ng buhay at patuloy na nangarap upang maibigay ang maayos na pamumuhay para sa kanilang mga anak.