Taong 2010 nang bumaba ang mga Enumerators ng ahensiya ng Department of Social Welfare and Development sa Camarin, North Caloocan kung saan nakatira si Rechel V. Sagge at ang kanyang pamilya. Sa kabutihang-palad ay isa sila sa mga napiling maging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagdulot ng maraming pagbabago sa kanilang buhay.
Si Rechel ay biniyayaan ng tatlong anak; isang lalaki at dalawang babae. Si Pearl Joy, ang kanyang panganay na babaeng anak na dalawampu’t taong gulang ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Education sa Pamantasan ng Caloocan bilang isang iskolar ng Local Government Unit ng Caloocan City. Matapos grumadweyt ay nagtrabaho siya bilang guro sa isang pribadong eskwelahan.
Si Kier Joshua ang pangalawa at nag-iisang lalaking anak ni Rechel na labing-anim na taong gulang at kasalukuyang nasa Grade 12 level. Ang kanilang bunso ay si Krisha Mae, pitong taong gulang at kasalukuyang nasa Grade 2 level.
Ang kanyang asawa na si Albert Sagge ay isang tricycle driver. Ang tricycle na kanyang ginagamit sa pamamasada ay nirenta lamang at kumikita siya ng 300 pesos kada araw. Dito sila kumukuha ng kanilang pang araw-araw na gastusin.
Nagsimula si Rechel bilang isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Kinalaunan ay naging Parent Leader siya ng kanilang grupo. Marami siyang natutunan bilang isang Parent Leader na nakapagpabago ng kanyang buhay.
“Dati, lagi lang akong nasa bahay. Hindi ako mahilig pumunta sa mga kapitbahay namin. Hindi ako nakikipaghalubilo habang ang asawa ko ay naghahanapbuhay. Pero simula nang maging miyembro ako ng Pantawid, marunong na ako makipag-mingle sa mga tao. Lalo na noong naging Parent Leader na ako, na-realize ko na mas marami pa pala akong pwedeng magawa,” nakangiting sabi ni Rechel.
Ang kanyang natatanggap na cash grants ay ipinangtustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak at ang natitirang pera ay ginamit nila pandagdag puhunan sa kanilang munting negosyo na manok-baboy. Ayon sa kanya, marami siyang natutunan sa mga Family Development Sessions na kanyang nagamit sa pang-araw-araw na buhay tulad ng mga paksang tungkol sa kung papaano makakatipid, Right of The Children at Women Empowerment na hanggang ngayon ay napapakinabangan niya sa kasalukuyang trabaho.
Dahil sa pagpupursige ni Rechel na makahanap ng trabaho, marami na siyang pinagdaanan maitaguyod lamang ang kanyang pamilya. Sinubukan niyang mag-apply sa DSWD at sa kabutihang-palad ay natanggap siya bilang isang job order. Matapos maging Enumerator ng DSWD noong 2015 ng tatlong buwan ay naging SWDI enumerator si Rechel ng dalawang buwan. Siya rin ay nagsilbing street facilitator ng dalawang buwan. Maiikli man ang panahon ng kanyang naging karanasan sa mga pinagdaanang trabaho ay hindi ito naging dahilan upang siya ay sumuko. Sumubok ulit si Rechel na mag-apply sa ahensiya noong 2017. Sa umpisa ay natakot ito dahil nasa kanyang isipan na baka hindi siya tanggapin dahil sa kanyang edad. “Noon, takot akong mag-apply ulit lalo na’t may edad na ako,” sabi ni Rechel.
Ngunit sumubok pa rin ito at natanggap ito bilang Child Welfare Assistant. Ngayon ay mahigit isang taon na siyang nagtatrabaho sa ahensiya.
Ibinahagi niya ang mga pangarap niya dati na unti-unting natutupad ngayon.“Yung bahay po namin dati hindi po totally sementado, ngayon po ay nagre-renovate na po kami ng bahay.”
Pangarap din niyang mapagtapos niya ng pag-aaral ang kanyang mga anak. Unti-unting natutupad na ang mithiing ito ni Rechel dahil nakapagtapos na ng pag-aaral ang kanyang panganay na si Pearl Joy. Dadag pa nito na kung dati ay nag nagrerenta lamang ng tricycle ang kanyang asawa, ngayon ay nakabili na sila ng kanilang sariling tricycle at kumikita na ito ng 500 pesos kada araw, kumpara sa dating kita nitong 300 pesos.
Nang tanungin naman si Rechel kung ano maipapayo niya sa mga miyembro ng programa na gusto din umunlad ang buhay tulad niya, ito ang kanyang sinabi: “Wag nilang tingnan ang sarili nila na maliit. Kung kaya mag-apply o magtrabaho gawin nila kahit may edad, mag-pursige parin para hindi lang sila mag-focus sa kung ano ang kinikita nila araw-araw.”
Nagbahagi din siya ng opinyon tungkol sa programa. “Ang Programang Pantawid Pamilyang Pilipino ay talaga namang napakalaking tulong sa mga mahihirap lalo na sa mga taong walang hanapbuhay dahil kahit papaano ay nakakatulong ang cash grants na kanilang natatanggap. Hindi lamang cash grants, pati na rin ang mga Family Development Sessions na nagbibigay ng values formation sa amin.”
Si Rechel ay isa sa mga napakagandang halimbawa ng isang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na kinalaban ang hamon ng buhay. Siya ay nagsisilbing modelo ng pag-asa sa mga miyembro ng programa na nangangarap na balang araw ay masisilayan ang magandang bukas.